MAYNILA. Iginiit ng Simbahang Katolika ang panawagan nito para sa ganap na pagbabawal ng online gambling sa bansa, sa kabila ng mga hakbang ng pamahalaan at pribadong sektor upang limitahan ang access sa mga platfrom na kaugnay nito.
Ayon kay Cardinal Pablo Virgilio David, pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), higit na mabigat ang mga suliraning panlipunan na dulot ng online gambling kaysa sa mga bilyong pisong kinikita ng gobyerno mula rito.
Sa kanyang talumpati sa 11th Philippine Conference on New Evangelization sa Maynila noong Biyernes, ibinunyag ni David na nakatanggap siya kamakailan ng liham mula kay Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) chair Alejandro Tengco, na nagbigay ng tugon sa bawat punto ng pastoral letter ng CBCP noong Hulyo 7 na humihikayat sa pamahalaan na ipagbawal ang online gambling.
Ipinunto umano ni Tengco na kung tuluyang ipagbabawal ito, malaki ang mawawala sa kita ng pamahalaan na sana’y mapupunta sa mga social programs.
“’Yun ang rason nila. Kahit na sobrang nakakaadik ito lalo na sa mga kabataan. Anong klaseng rason ’yan?” ani David. “Sagot ko, ‘E di i-legalize na rin natin ang shabu. Para kikita rin ang gobyerno. Legalize na rin lahat ng nakakaadik sa Pilipino, kasi ’yan din ang lohika ninyo.’”
Dagdag pa ni David, hindi makatarungan ang sinasabing kontrol sa access ng kabataang bihasa sa teknolohiya. “Talaga bang naniniwala kayong makokontrol ang digital natives sa paggamit ng anumang aplikasyon online? Hindi ako naniniwala,” aniya.
“Paumanhin, pero hindi ako naniniwala na kayang i-regulate ang isang bagay na kriminal. Kriminal ang online gambling sa kabuuan,” dagdag pa ng kardinal.
Ayon sa Pagcor, higit P100 bilyon ang kinikita ng gobyerno mula sa online gambling, at may mahigit 32,000 direktang empleyado sa industriya, bukod pa sa mga kasamang sektor gaya ng seguridad at serbisyo.
Ngunit inihalintulad ni David ang online gambling sa “makabagong anyo ng pagkaalipin” at ikinumpara ito sa adiksiyon sa social media. “Ilang pamilya na ba ang winasak ng utang sa sugal? Ilang kabataan ang inuubos ang oras kakascroll, naghahanap ng likes at shares, at nawawala na ang kakayahang makipag-ugnayan ng personal?” tanong niya.
“Ang pagkaalipin ay totoo. Pero may mabuting balita: Kung totoo ang pagkaalipin, totoo rin ang kalayaan,” aniya.
Matagal nang tinututulan ng CBCP ang mga epekto ng online gambling. Ayon sa pastoral letter nito, isa itong “malalim at malawakang krisis moral” sa lipunan. Kasama rin sa panawagan ng simbahan ang mas mahigpit na pagbabantay sa online payment systems upang hindi ito magamit sa sugal.
Matagal na ring tinututulan ng simbahan ang iba pang isyung panlipunan gaya ng ilegal na droga, Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), “e-sabong,” at ngayon ay online gambling.
Wala pang pormal na pahayag si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay ng isyu, ngunit ayon sa Malacañang, pinag-aaralan nito ang mas malawak na epekto ng posibleng pagbabawal sa online gambling.
Samantala, inanunsiyo ng Fintech Alliance Philippines nitong Hulyo na naghahanda na ang mga miyembro nito, kabilang ang GCash at Maya, na magpatupad ng mas mahigpit na mga patakaran upang kontrolin ang akses sa online gaming gamit ang kanilang platforms.
Ipinatupad din ng GCash noong Hulyo 16 ang mas mahigpit na regulasyon sa mga promosyon ng online gambling upang masigurong ligtas ang mga manlalaro at sumunos a ang mga partner merchants sa umiiral na batas.
Nagpanukala rin ang Bangko Sentral ng Pilipinas ng mas mahigpit na patakaran para limitahan ang paggamit ng digital payment platforms sa online gambling, gaya ng pagtatakda ng daily cap sa fund transfers ng mga mananaya.
Noong Hulyo 16, lumagda sa isang memorandum of understanding ang Pagcor at Ad Standards Council para sa regulasyon at prescreening ng mga patalastas ng sugal sa lahat ng media platforms.
Samantala, ilang mambabatas ang naghain ng panukalang batas upang tuluyang ipagbawal o higpitan ang online gambling, dahil sa lumalalang epekto nito lalo na sa kabataan at iba pang sektor na madaling maapektuhan.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






