CBCP: Pari sa Borongan, Eastern Samar tinanggal ni Pope Francis dahil sa kasong sexual abuse

0
224

Ipinahayag ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na sinibak ni Pope Francis ang isang pari na nakadestino sa Borongan, Eastern Samar, matapos itong maakusahan ng sexual abuse ng mga menor de edad.

Ayon sa CBCP, huling naglingkod ang nasabing pari sa isang minor seminary sa lungsod bago ito suspendihin ng diyosesis sa kanyang mga tungkulin bilang pari.

Ang Diyosesis ng Borongan ay naglabas ng isang “Informationis Causa” na naglalaman ng impormasyon tungkol sa pagtanggal kay Pio Cultura Aclon. Ang nasabing dokumento ay nilagdaan ni Chancellor Fr. James Abella noong Hulyo 18.

Isinasaad sa advisory na ang naturang impormasyon ay dapat basahin sa lahat ng simbahan, parokya, chaplaincy, at chapel sa diyosesis tuwing Linggo.

Ayon sa CBCP, itataguyod nila ang mga kaso ng sexual abuse na may kinalaman sa mga kaparian ng walang cover up. Bukod dito, nagbuo rin sila ng isang opisina upang matulungan na pangalagaan ang mga menor de edad laban sa posibleng pang-aabuso ng mga pari.

Sa  isang panayam sa Portugal noong 2022, binigyang-diin ni Pope Francis na ang Simbahang Katoliko ay dapat magpakita ng “zero tolerance” pagdating sa mga insidente ng sekswal na pang-aabuso na may kinalaman sa mga miyembro ng clergy.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.