Certificate of Ancestral Domain Title ng mga Mangyan sa Occidental Mindoro, igagawad na

0
507

San Jose, Occidental Mindoro.  Sinukat at tiniyak na ang mga hangganan ng 98,747.8750 ektaryang ancestral domain ng mga tribong Buhid at Bangon, dalawa sa pitong tribo ng Mangyan sa lalawigan ng Mindoro.

Ang nabanggit na lupaing ninuno ay nasasakupan ng San Jose, Rizal, Calintaan, Sablayan hanggang sa ilang bahagi ng Oriental Mindoro.

Batay sa isinagawang survey ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pamumuno ni CENRO Efren I. Delos Reyes at ng Department of Agriculture (DAR), nakita sa mga hangganan ng nabanggit na ancestral domain ang mga lumang muhon na inilagay noon pang 2003 sa tulong ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na pinatotohanan naman ng mga “gurangon” o nakatatandang Mangyan.

Matapos ang isinagawang pagsusuri at pagtitiyak sa mga boundaries, ang mga nabanggit na tribo ay maghihintay na lamang ng titulo o Certificate of Ancestral Domain Title (CADT) na inaasahang igagawad sa lalong madaling panahon.

Ang pagkakaroon ng CADT ay mahalaga sa mga nabanggit na tribo upang sila ay mapangalagaan sa dumadaming migrants na naninirahan at nagsasaka sa mga laylayan ng kanila lupaing ninuno. Ito ay magbibigay proteksyondin sa kanila sa mapanakop na modernisasyon. Sa tulong din ng CADT ay mapapangalagaan ang ecological balance sa pamamagitan ng pagmamalasakit sa flora at fauna, sa mga watershed at iba pang reserve gayon din ang pangangalaga at pagpapaunlad ng mga punong kahoy sa gubat.

Samantala, lubos na nagpapasalamat si Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) Ding “Talon” de Jesus sa lahat ng bumubuo ng Sangguniang Bayan ng San Jose sa pamumuno ni San Jose Vice Mayor Rod Agas, sa tanggapan ng DENR, DAR, kay Occidental Mindoro Governor Eduardo Gadiano, Occidental Mindoro District Representative Josephine Ramirez-Sato, San Jose Mayor Romulo Festin at sa lahat ng ahensya ng gobyerno at NGO na sumuporta sa matagumpay na pagtitiyak ng Buhid-Bangon Ancestral Domain.

Si de Jesus ang unang IPMR ng mamamayang Mangyan na kumakatawan sa Sangguniang Bayan ng San Jose bilang isang konsehal. Kasama din siya sa mga unang nagtaguyod at kumilos sa pagsisikap na makakuha ng Certificate of Ancestral Domain ang mga nabanggit na tribo.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.