Chairman, pinatay sa gitna ng paliga ng basketball

0
134

Sariaya, Quezon. Patay ang isang barangay chairman matapos siyang pagbabarilin ng isang lalaking nakasagutan sa gitna ng paliga ng basketball sa Brgy. Guisguis San Roque sa bayang ito, kamakalawa ng gabi.

Ang biktima na nagtamo ng mga tama ng bala ng hindi pa natutukoy na kalibre ng baril sa ulo at katawan ay kinilalang si Benedictk Alcaide Robo, kasalukuyang tserman ng nasabing barangay.

Nagsasagawa na ng manhunt operation ang Sariaya Police upang dakipin ang suspek na si Marvin Fajarda alyas “Pong-Pong”, edad 40-50 at residente ng Brgy. Bignay 2, Sariaya, Quezon.

Ayon kina Police Staff Sgt. Ruel Tina at PCpl. Junard John Ravalo, officers-on-case, habang ginaganap ang paliga ng basketball sa Brgy. Guisguis San Roque bandang 11:00 ng gabi ay pinagsabihan ng kapitan ang suspek na iwasan ang hindi magandang kilos at asal nito, ngunit humantong ito sa mainit na pagtatalo ng dalawa.

Upang hindi na lumala ang debate ay minabuti ng kapitan na lumabas sa basketball court at bumili na lamang ng siopao at kumain ngunit hindi niya alam na sinundan na siya ng suspek at kinompronta saka malapitang pinagbabaril at mabilis na tumakas.

Nadala pa sa ospital sa Lucena City ang kapitan ngunit namatay habang ginagamot.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.