Nahaharap ngayon si Commission on Higher Education (CHED) Chairman Prospero “Popoy” de Vera sa samut-saring kasong kriminal sa Office of the Ombudsman kaugnay ng diumano ay hindi na-account na P10.3 bilyong pondo na nakalaan para sa libreng tuition at living allowance ng mga iskolar ng gobyerno sa ilalim ng Republic Act (RA) 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act.
Ang reklamo ay inihain ni Agapito Lubaton, Administrator at Chief Executive Officer ng Marvelous College of Technology sa Koronadal City, isa sa mga pribadong Higher Educational Institutions (HEIs) na inawtorisa na tumanggap ng mga scholar ng pamahalaan kaugnay ng kawalan ng state university o kolehiyo sa isang lugar.
Sa affidavit-complaint na inihain noong Marso 12, 2024, kinasuhan ni Lubaton ang CHED Chief dahil sa diumano ay kapabayaan sa tungkulin nito bilang isang public official o paglabag sa Republic Act (RA) 11032 o ang Ease of Doing Business Law, grave abuse of power and authority, moral injury para sa mga umaasang karapat-dapat na mga estudyante at mga educational institutions at non-payment sa living allowances ng mga grantees/student scholars.
Sa ilalim ng Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST) program, ang mga iskolar ay pinagkakalooban ng P30,000 kada semestre para sa kanilang tuition fee at living allowance. Ang CHED ay may mandatong i-remit ang nasabing halaga sa mga kinauukulang eskuwelahan.
Inihayag pa ni Lubaton na ang implementasyon sa UniFAST ay naging maayos sa mga unang taon ng programa pero ang problema ay nangyari sa school year (SY) 2021-2022 at 2022-2023 matapos mabigo ang CHED Chief na i-remit ang law-mandated funding para sa mga estudyanteng scholars.
“Chairman De Vera had only paid and given the tuition fee in the amount of P10,000 for SY 2021-2022 but the P20,000 living allowances of students per semester for about two years now has not been paid up to the present,” ayon pa kay Lubaton.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.