City admin ng Sto. Tomas City sa Batangas, nakaligtas sa ambush

0
296

Sto. Tomas City, Batangas. Nakaligtas sa mga bala ang city administrator ng lungsod na ito sa isang insidente ng tangkang pag ambush.

Kinilala ng Sto. Tomas City Police Station Acting Chief of Police PMAJ Ricardo C. Serrano, Jr. ang biktima na si Eng. Severino Medalla. Nakasakay siya sa  minamaneho niyang pickup truck upang magdala sana ng gamit sa munisipyo noong nakaraang Sabado ng paputukan siya ng mga nakatakas na salarin sa Brgy. Sta. Anastacia sa nabanggit na lungsod.

Ayon kay Medalla na dating punong barangay ng lugar at dating presidente ng Liga ng mga Barangay, inakala niya na sumabog lamang ang kanyang gulong noong makarinig siya ng putok ngunit nagulat siya nang makita niyang nabasag ang salamin ng bintana ng kanyang sasakyan.

Itinuturing ni Medalla na masuwerte siya dahil ang isang bala na pwedeng tumama sa kanyang ulo ay sa headrest ng sasakyan bumaon at ang isa pang bala na pwedeng tumama sa kaniyang sikmura ay tumama naman sa bakal ng suot niyang safety belt.

Nakatakas ang mga salarin na sakay ng isang motorsiklo.

Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ng mga awtoridad sa pagkakakilanlan ng mga salarin at inaalam ang posibleng motibo sa pagtatangka sa buhay ni Medalla.

Samantala, iniutos ni Mayor Arth Jhun Marasigan na repasuhin ang ipinapatupad na ordinansa sa Sto. Tomas City  na nagbabawal sa back rider sa motorsiklo maliban kung mag-asawa o nakatira sa iisang bahay.

“Babalikan natin yung ordinansa na ‘yon para ma-review siya at ma-implement so also to impede if not totally prevent crime involving riding in tandem,” ayon sa mayor.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.