MAYNILA. Pinag-aaralan ng Lawyers and Commuters Safety and Protection (LCSP) na magsampa ng class suit laban sa mga kontratista at opisyal ng pamahalaan na umano’y sangkot sa maanomalyang flood control projects sa bansa, partikular sa Metro Manila.
Ayon kay Atty. Ariel Inton, founder ng LCSP, layon ng hakbang na mabigyan ng hustisya ang mga motorista at commuters na matagal nang nakararanas ng kahirapan, abala at pinsala dulot ng malawakang korapsyon sa mga proyektong ito.
Bilyon-bilyong piso umano ang nasayang dahil sa mga “ghost projects” na nagdulot ng mas matinding pagbaha at pinsala sa mga lansangan.
“Kapag may matinding baha ay damang-dama ng mga motorista at commuters ang epekto nito. Tumitindi ang trapik, nasisira ang mga sasakyan, at kapag nawala ang baha ay sira-sira naman ang mga kalsada at ga-palangganang mga butas ang dadaanan,” pahayag ni Inton.
Dagdag pa niya, hindi lamang trapik at perwisyo ang dinaranas ng publiko kundi pati panganib ng pagkakasakit gaya ng leptospirosis.
“Kontraktor man o opisyal ng pamahalaan, dapat silang managot sa mga motorista at mananakay,” diin ni Inton.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






