Coastal road at seawall sa Quezon, sisimulan na ng DPW-4A

0
189

Calamba City, Laguna. Libo-libong residente ng Catanauan, Quezon ang makikinabang sa sandaling matapos ang proyekto ng DPWH Region-4A sa gagawing konstruksiyon ng 5 kilometrong coastal road at seawall na lalong magpapaganda ng tanawin sa world-class beaches ng nasabing bayan.

Ipinahayag ng tanggapan ni DPWH Quezon 3rd Engineering district Engineer Jorge Pasia ang balita at yon sa kanya, ang proyekto ay naglalayon na lalong palakasin ang ekonomiya sa dulong silangan ng Quezon na dinaraanan ng mga commercial at industrial products mula sa Bicol region.

Sinabi naman ni DPWH Region 4A Director Jovel Mendoza na ang nasabing proyekto ay dumaan sa tamang proseso. Nagkaroon umano ito ng serye ng konsultasyon sa mga residente sa lugar, local government units, at environmental sectors.

Idinagdag pa ni Engineer Mendoza na nagkaroon ng mga feasibility studies ang kanilang tanggapan upang masiguro ang kapakanan ng mga naninirahan sa lugar. Hindi rin umano maaapektuhan ang mga mangrove areas sa lugar na isa sa pinakamalawak na mangrove plantation sa bansa.

Ang naturang coastal road at seawall project ng pamahalaan ay magpapalaki ng kita ng turismo sa Catanauan, na isa sa pinagkakakitaan ng mga mamamayan sa naturang lugar, ayon pa kay Mendoza.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.