SAN PABLO CITY, Laguna — Mas organisado, mas inklusibo, at mas sensitibo sa iba’t ibang sektor ng komunidad ang inaasahang magiging Bagong San Pablo Coco Festival of Performing Arts 2026, ayon sa inilabas na opisyal na iskedyul ng apat na gabing selebrasyon mula Enero 12 hanggang 15, 2026.
Ayon sa pamahalaang lungsod, ang mga pagbabagong ipinatupad ngayong taon ay bunga ng mga aral mula sa mga nakaraang pista at ng patuloy na konsultasyon sa mga residente, negosyante, at religious sectors.
Isa sa mga kapansin-pansing pagbabago ay ang paglilipat ng mga aktibidad na may kaugnayan sa beer drinking mula sa Rizal Avenue Plaza sa harap ng Katedral patungo sa Regidor Street, sa tapat ng San Pablo City Public Market, bilang bahagi ng City Night Market. Matatandaang dati nang ipinahayag ng ilang grupo mula sa sektor panrelihiyon ang kanilang pagkabahala sa pagsasagawa ng mga ganitong aktibidad sa harap ng simbahan.
Ayon sa mga opisyal, ang hakbang na ito ay naglalayong igalang ang sagradong espasyo ng simbahan, habang patuloy na binibigyan ng pagkakataon ang kasiyahan, kabuhayan, at night-time economy ng lungsod.
“Mas malinaw na ang delineation ng mga venue may espasyo para sa sining, may espasyo para sa kasiyahan, at may paggalang sa pananampalataya,” pahayag ng isang city event organizer.
Bukod sa mga pagtatanghal ng sining at talento, itinatampok din ng Coco Festival 2026 ang mga gabi na iaalay ng mga lokal na pinuno bilang pagkilala sa kanilang suporta sa kultura at kaunlaran ng lungsod:
- Day 2 (Enero 13) – Cong. Amben Amante’s Night, kasabay ng The Voice San Pablo City Season 1 at Rotarock XXX.2
- Day 3 (Enero 14) – Gov. Sol Aragones’ Night, tampok ang Mr. & Ms. San Pablo Star 2026 at San Miguel Beer Night: RakRakan sa Regidor
- Day 4 (Enero 15) – Mayor Najie Gapangada’s Night, na susundan ng COCO Foam Rave Party
Ayon sa city government, ang paglalaan ng mga tematikong gabi ay hindi lamang para sa entertainment kundi para rin sa pagpapalakas ng ugnayan sa pagitan ng pamahalaan at mamamayan.
Mas Maayos na Daloy, Mas Malawak na Partisipasyon
Isasagawa ang mga pangunahing programa sa Main Stage Plaza sa Rizal Avenue, habang ang City Night Market at RakRakan sa Regidor ay nakatalaga sa Regidor Street, isang hakbang na inaasahang magpapagaan sa daloy ng tao at trapiko.
Sa kabuuan, ang Coco Festival 2026 ay inilalarawan ng mga opisyal bilang isang mas balanseng pista, mas disiplinado, mas may malasakit sa kultura at pananampalataya, at mas bukas sa partisipasyon ng iba’t ibang sektor ng San Pablo City.
Ito ay hindi lamang pagdiriwang, kundi patunay kung paano pinapabuti ng lungsod ang pag-oorganisa ng mga pampublikong okasyon,” ayon sa pamahalaang lungsod.
Walang Street Dancing
Sa consultation meeting na isinagawa sa Mayor’s Office ng San Pablo noong Nobyembre 2025, sinabi ni Schools Division Superintendent Gilie Ilagan na hindi makakalahok ang mga pampublikong paaralan sa street dancing.
Ayon sa kanya, isang buwan nang hindi nakapasok ang mga bata bilang pag-iingat sa “The Big One,” at kung mag-eensayo pa sila para sa street dancing, masyado na silang maiiwanan sa kanilang mga leksyon.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






