MAYNILA. Aabot sa anim na milyong balota para sa 2025 National and Local Elections (NLE) ang masasayang, ayon kay Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia, matapos magpalabas ng temporary restraining order (TRO) ang Korte Suprema laban sa diskuwalipikasyon ng limang kandidato.
Matatandaang noong kamakalawa, inisyu ng Supreme Court (SC) ang TRO na humaharang sa pagdiskuwalipika ng Comelec sa dating Caloocan City representative Edgar Erice at apat pang kandidato. Dahil dito, napilitang ipatigil ng Comelec ang pag-iimprenta ng mga balota na hindi naglalaman ng mga pangalan ng naturang kandidato.
“Yung naimprenta po namin na higit kumulang na 6 na milyong balota ay mababalewala na po lahat sapagkat wala po ‘yung pangalan ng naturang kandidato,” pahayag ni Garcia. “And therefore, back to zero po kami,” dagdag pa niya.
Ayon sa pagtaya ni Garcia, ang bawat balota ay nagkakahalaga ng P22, kaya’t ang kabuuang halaga ng mga masasayang na balota ay aabot sa P132 milyon. Bukod dito, binigyang-diin niya na malaki rin ang ginastos sa overtime ng mga tauhan para sa pagpapatuloy ng night shift operations.
“Napakarami po namin doon na mga tauhan na pinapasuweldo with overtime lahat po ‘yun kasi nga po may night shift po kami,” ani Garcia.
Sa kabila ng pagkaantala ng ballot printing, tiniyak ni Garcia na tuloy pa rin ang midterm elections na nakatakdang ganapin sa Mayo 12. Gayunpaman, kinumpirma rin niya na naapektuhan ng TRO ang mock elections na orihinal na nakatakda sa Enero 25, ngunit ipinagpaliban na rin.
Patuloy na inaabangan ang magiging hakbang ng Comelec sa pagresolba ng mga isyung dulot ng desisyon ng Korte Suprema.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo