Comelec Chairman: Huwag hayaan ang foreign entities na makialam sa eleksyon

0
137

MAYNILA. Nanawagan si Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Huwebes, Agosto 8, na huwag hayaang makialam ang anumang dayuhang entidad sa mga eleksyon sa bansa.

Ang pahayag na ito ni Garcia ay kasunod ng pag-presenta ng ebidensya na nagpapakita na ang mga offshore bank accounts na iniuugnay sa kanyang pangalan ay tila may koneksyon sa Smartmatic, ang electronic voting systems provider. Ayon sa kanilang pagsisiyasat, ang offshore bank transactions na iniuugnay sa kanya ay isinagawa ng Jaleo Consulting, LLC, na nakarehistro sa Florida, USA.

“Ako po ay nakikiusap, humihingi ng tulong sa ating kagalang-galang na Pangulo Ferdinand R. Marcos [Jr.],” sabi ni Garcia. “Sana po matulungan tayo na ‘yong ganitong tao, entities ay hindi makapamayagpag sa ating lipunan. Alam niyo po, ito po ay isang banta sa ating demokrasya, ang pakikialam ng isang foreign entity sa ating halalan,” dagdag pa niya.

Noong Hulyo, sinabi ni Sagip party-list Rep. Rodante Marcoleta na ang umano’y offshore accounts ng isang opisyal ng Comelec ay nakatanggap ng fund transfers na nagkakahalaga ng P1 bilyon. Hindi pinangalanan ni Marcoleta ang opisyal ng Comelec sa kanyang pahayag.

Noong Agosto 1, iniulat ni Marcoleta na isang volunteer sa New York ang nag-transfer sa dalawang offshore accounts na iniuugnay sa isang “George Erwin Mojica Garcia.”

Pinabulaanan ni Garcia ang mga paratang ni Marcoleta at sinabing ang offshore accounts ay kamakailan lamang naitayo at ang mga bank transactions ay magpapatuloy kahit na may mga pagkakamali sa pangalan basta’t tama ang account numbers.

Humingi na rin si Garcia ng tulong mula kina Speaker Martin Romualdez at Senate President Francis Escudero. “Sana huwag po tayong papayag na ang atin pong mga opisina, mga institusyon ay magagamit upang maghasik ng mga kasinungalingan, magbintang sa mga tao, at manira ng puri ng iba,” ani Garcia.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo