Comelec checkpoints nakalatag na sa Laguna: Gun ban, sinimulan na

0
296

San Pablo City, Laguna. Pinangunahan ni Atty. Patrick H. Arbilo, Laguna Comelec Chief ang paglalatag ng mga checkpoint sa kabuuan ng lalawigan ng Laguna na nagsimula dakong ika-9 kagabi sa San Pedro City hanggang sa Maharlika Highway sa lungsod ng San Pablo.

Sa pakikipagtukungan ng Philippine National Police sa ilalim ng pamumuno ni Provincial Director Col. Rogarth Campo, pormal na binuksan ang maliwanag na kapaligiran ng nasabing highway alinsunod sa direktiba ng Comelec Resolution No. 10728 na kailangan malinaw na makikita ng mga dadaang motorista ang mga police checkpoint na binabantayan ng mga unipormadong pulis o sundalo.

Layunin ng nabanggit  na Comelec Resolution ang kontrolin at pigilan ang sinumang indibiduwal o grupo na magdadala ng anumang uri ng baril o pampasabog na magdudulot ng kaguluhan sa May 2022 election.

Sa pagsisimula ng checkpoint kagabi, binigyan diin ni Atty. Arbilo na pinawawalang bisa ng naturang Comelec Resolution ang kasalukuyan mga permit sa pagdadala ng baril tulad ng LO ( Letter of Order), MO ( Mission Order), at ang LTOPF ( Licensed to Own Permit Firearms) hanggang ika 8 ng Hunyo 2022.

Idinagdag pa ni Arbilo na maaari lamang magdala ng baril kung may kaukulang sertipikasyon na galing at pirmado ng CCFSC (Comelec Committee on the Ban on Firearms Security Concerns).

Binigyan linaw din ng hepe ng Comelec na isang checkpoint lamang ang pinapayagan bawat bayan o siyudad at hindi kinakailangang magsagawa ng body search ang mga pulis bagkus ay visual search lamang ipatutupad.

Ang pagsisimula ng Checkpoint kagabi ay mahusay na ginampanan ng iba pang Comelec officials ng Laguna, mga chief of police ng mga pangunahing bayan at mga miyembro ng LGU’s.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.