Comelec naglabas ng listahan ng mga lugar para sa Register Anywhere Program

0
495

MAYNILA. Inilabas ng Commission on Elections (Comelec) ang inisyal na listahan ng mga lugar na kabilang sa Register Anywhere Program (RAP) para sa 10-araw na nationwide voter registration para sa 2025 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Nagsimula ang rehistrasyon noong Agosto 1 at isinasagawa ito sa iba’t ibang pampubliko at pribadong lugar sa Metro Manila kabilang ang mga unibersidad, shopping malls, transportation hubs, at ang Comelec Main Office sa Intramuros, Manila.

Narito ang ilang piling RAP sites at iskedyul:

  • Agosto 1: UE Manila, SMX Manila para sa WOCEE at WOSAS Expo
  • Agosto 1–2: Luneta, LRT Recto, Comelec Main Office, Robinsons Bridgetowne
  • Agosto 2: Robinsons Malate, LRT Recto, SMX Manila
  • Agosto 3: WalterMart North Edsa, WalterMart Makati, SM North EDSA, LRT Recto
  • Agosto 4–5: NAIA Terminals 1 at 3, Jose Reyes Medical Center, Tutuban Mall, San Beda College-Alabang
  • Agosto 6: Teleperformance SM Aura, PITX
  • Agosto 7: DBM, PVL event venue, Iglesia ni Cristo o New Era University

Ayon sa Comelec, walang paglilipat ng local registration records sa kasalukuyang registration period. Gayunpaman, tatanggapin ang mga sumusunod na aplikasyon:

  • Bagong rehistrasyon
  • Pagbabago ng pangalan o civil status
  • Pagwawasto ng mga entry
  • Pagpapaaktibo ng record
  • Pagdaragdag ng pangalan sa listahan
  • Pagbabalik ng pangalan sa listahan ng botante

Maari ring iproseso ang mga aplikasyon para sa reactivation na may kasamang correction o update, at para sa mga PWD, senior citizen, at mga miyembro ng indigenous peoples (IPs) at indigenous cultural communities (ICCs). Tinatanggap din ang mga transfer from overseas to local.

Ang BSKE ay naka-iskedyul sa Disyembre 1, 2025. Subalit, niratipikahan ng Kongreso noong Hunyo ang isang panukala na nagpapalawig sa termino ng mga barangay at SK officials mula 3 patungong 4 na taon, at ipinagpapaliban ang eleksyon sa unang Lunes ng Nobyembre 2026.

Samantala, hindi pa pinipirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang batas na nagpapaliban sa 2025 BSKE.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.