Comelec, nilinaw na kailangan ng batas para sa snap elections

0
472

MAYNILA — Nilinaw ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na hindi maaaring magsagawa ng snap elections sa bansa kung walang umiiral na batas na nag-uutos nito.

Ang pahayag ay tugon sa mungkahi ni Sen. Alan Peter Cayetano na magdaos ng snap elections sa gitna ng mga alegasyon ng korapsyon na kinakaharap ng bansa.

“Sa part ng Comelec, hindi kami makakapag-conduct ng elections o special elections nang walang batas. Kinakaila­ngan may mandato ng batas sapagkat ang katungkulan ni Comelec ay tagapagpatupad ng isang batas sa halalan,” ayon kay Garcia. “Kung walang batas, hindi namin maisasagawa ang ganiyang klaseng halalan.”

Ipinaliwanag din ni Garcia na magiging mas madali sana ang pagdaraos ng halalan kung ang Pilipinas ay nasa ilalim ng parliamentary government, subalit walang probisyon tungkol dito sa kasalukuyang Saligang Batas.

“Mas mabilis ang ganiyan sa parliamentary government. Sa parliamentary government, kapag nag-declare ang tinatawag na loss of confidence sa gobyerno, magkakaroon sila agad ng halalan upang makapagpalit ng mga pinuno nila,” aniya. “Sa atin, walang ganung klaseng provision at hindi ko alam, maaa­ring Saligang Batas ang babaguhin o kakayanin ng isang batas lang.”

Sa ngayon, nananatiling nakasalalay sa Kongreso ang pagbalangkas ng anumang batas na magbibigay-daan sa posibilidad ng snap elections sa ilalim ng umiiral na sistemang pampulitika ng bansa.

Kaugnay nito, binatikos ng Makabayan Bloc sa Kamara ang panawagan ni Cayetano, na tinawag nilang “pampagulo lang” at paraan upang iwasan ang usapin ng pananagutan sa korapsyon.

“This is typical obfuscation of the issue of corruption. Cayetano is trying to divert the focus from corruption accountability to snap elections, giving the illusion that corruption can be addressed simply through the electoral process that is still dominated by political dynasties and corrupt politicians,” ayon sa pahayag ng grupo.

Nauna nang sinabi ni Cayetano na nawala na ang tiwala ng taumbayan sa pamahalaan kaya’t ang nararapat ay magbitiw ang mga opisyal at hayaang magkaroon ng snap elections.

“From The President, Vice President, Senate, and Congress. With One Important Addition – No Incumbent From The Above Can Run For 1 Election Cycle. National Government Has Its Bureaucracy And Will Continue To Run,” aniya.

Ngunit giit ng Makabayan Bloc, “How will holding snap elections address the issue of accountability? The proposal is a distraction and a way to douse cold water on the people’s protests.”

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.