MAYNILA. Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na hindi nito mapipigilan ang pagkalat ng mga promotional materials ng ilang personalidad na itinuturing pa lamang bilang “aspirants” at hindi opisyal na mga kandidato para sa nalalapit na 2025 elections.
“Nalulungkot po ang Comelec, we would like to express that. Sapagkat alam po namin, kami po naman ay tatalima sa batas at desisyon ng Korte Suprema. Napakabigat po sa kalagayan namin at mabatuhan ng sisi ng ating pong mga mamamayan sapagkat naglipana ang mga pagmumukha nila,” pahayag ni Comelec Chairman George Erwin Garcia nitong Sabado, Enero 4.
Sa isang desisyon na promulgated noong 2009, ipinahayag ng Korte Suprema na:
“Congress has laid down the law—a candidate is liable for election offenses only upon the start of the campaign period.”
Dahil dito, hindi maaaring maghain ng kaso ang Comelec laban sa mga aspirant o magtanggal ng kanilang mga promotional materials.
Ang election period ay magsisimula sa Enero 12, habang ang campaign period para sa senatorial candidates at partylist groups ay itinakda sa Pebrero 11.
“Sila raw po ay mga kandidato lamang sa unang araw ng campaign period. Ibig sabihin lahat ng ginagawa nila ngayon, wala pa pong election law na mag-go-govern sa kanila. Wala pa pong prohibition, wala pong violation,” paliwanag ni Garcia.
Dagdag pa niya, “Dahan-dahan lang, medyo hinay-hinay. Huwag niyo pong i-underestimate ang katalinuhan ng ating mga kababayan.”
Nagpaalala rin ang Comelec sa mga aspirant na maging maingat at huwag gawing pagkakataon ang kasalukuyang sitwasyon upang makakuha ng kalamangan.
Pinaalalahanan din ng Comelec ang pamahalaan kaugnay sa pagbabawal ng paglalabas ng pondo para sa public works at social services projects 45 araw bago ang eleksyon, alinsunod sa Omnibus Election Code.
Gayunpaman, binigyang-diin ni Garcia na may mga exceptions dito:
“Pinapayagan ng Comelec ang exceptions na ‘yan, na sa aming palagay ay hindi naman pamumulitika kundi talagang proyekto na nakalagay sa ating budget at matagal na ring naiplano,” aniya.
Dagdag pa niya, “Ang [kuwestiyonable] na proyekto, ay ‘yung naisip lang ng politiko dahil siya ay tumatakbo.”
Samantala, nilinaw ni Garcia na hindi rin pipigilan ng Comelec ang distribusyon ng ayuda basta’t walang politiko na sangkot dito.
Ngayong araw, Enero 5, ilalabas ng Comelec ang pinal na listahan ng mga kandidato para sa May 12 midterm elections. Patuloy na pinaaalalahanan ng komisyon ang publiko na maging mapanuri sa mga kandidatong kanilang susuportahan.
Abangan ang iba pang updates sa darating na eleksyon!
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo