MAYNILA. Umapela ang Commission on Elections (Comelec) sa Department of Agriculture (DA) na ipagpaliban muna ang rollout ng P20 kada kilo ng bigas hanggang matapos ang eleksyon sa Mayo 12, upang maiwasan ang anumang hinala ng pamumulitika gamit ang ayuda.
“Our only request is, I know they will be rolling out PHP20 rice tomorrow in the Visayas, I hope that the next rollout will be after the election so that we don’t get accused that rice is being politicized,” pahayag ni Comelec Chairperson George Garcia sa isang panayam nitong Martes, Abril 30.
Ayon kay Garcia, ayaw ng Comelec na magmukhang ginagamit ang murang bigas sa pamumulitika, lalo’t papalapit na ang Barangay and Sangguniang Kabataan (BSK) elections sa ilang lugar at ang plebisito sa May 12.
Nakatakdang isagawa ang distribusyon ng P20 kada kilong bigas sa Visayas ngayong araw, Mayo 1, kasabay ng pagdiriwang ng Labor Day.
Bagama’t pinayagan ng Comelec ang exemption ng nasabing proyekto mula sa election spending ban, iginiit ni Garcia na mas mainam kung ipagpapaliban na lang ito upang maiwasan ang maling interpretasyon. Ang exemption ay ipinagkaloob sa ilalim ng Section 261 (V) ng Omnibus Election Code, base sa Comelec Resolution No. 11060, na binago ng Resolution No. 11118.
“The Comelec granted an exemption, proving that the Comelec supports this very well-organized program because our countrymen need assistance in the form of cheaper rice,” aniya.
Dagdag pa ni Garcia, hinihintay pa rin ng Comelec ang sulat mula sa DA hinggil sa mga detalye ng implementasyon ng proyekto. Aniya, “Dapat maaga itong maipasa para maiwasan ang kalituhan at masiguro ang transparency.”
Samantala, ipinaalala rin ng Comelec na simula Mayo 2 hanggang Mayo 12 ay mahigpit na ipinagbabawal ang pamimigay ng anumang uri ng “ayuda” o financial assistance mula sa gobyerno, maliban na lamang sa burial at medical assistance.
Nilinaw naman ni Garcia na hindi saklaw ng ban ang operasyon ng mga Kadiwa stores, dahil ito ay bahagi ng regular na programang pangkabuhayan ng pamahalaan.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.