Comelec: Tiktok posts ng mga kandidato sa BSKE, ipinagbabawal

0
239

Inuutos ng Commission on Elections (Comelec) sa mga kandidato sa paparating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na alisin ang kanilang mga post sa Tiktok at iba pang social media platforms na may kaugnayan sa eleksyon upang maiwasang mawalan ng karapatan sa pagtakbo.

Binigyang-diin ni Comelec Chairman George Garcia na ang mga post sa social media ay maituturing na uri ng pangangampanya, na kasalukuyang ipinagbabawal. May mga halimbawa na ng mga larawan ng mga kandidato at listahan ng mga tatakbo sa barangay na umiiral sa mga social media sa kasalukuyan.

Bagamat hindi kayang bantayan ng Comelec ang lahat ng post sa social media, maaaring magreklamo ang mga kalaban ng mga kandidato at maghain ng kaso ng diskwalipikasyon. Kaya’t inimungkahi ni Garcia na maging maingat ang mga magkakalaban sa eleksyon at magkaalaman sa mga social media account ng bawat isa.

Sinabi ni Garcia na siya mismo ay boboto na ma-disqualify ang mga kandidato na hindi marunong sumunod at patuloy na nagpopost sa social media kahit hindi pa nagsisimula ang campaign period, na magaganap mula Oktubre 19 hanggang 28.

Bukod dito, tatanggapin din ng Comelec ang mga kaso ng diskwalipikasyon laban sa mga kamag-anak ng mga halal na national at lokal na opisyal na nagnanais na kumandidato sa SK sa darating na halalan.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.