Comprehensive Health Care Plan, itataguyod sa San Pablo City

0
583

San Pablo City, Laguna. Sisimulan ang Comprehensive Health Care Plan CHCP) at digitized health care system sa lungsod na ito sa Hulyo, ayon kay Dr. James Lee Ho, city health officer ng nabanggit na lungsod.

“Magkakaroon tayo ng isang ID system na magiging tool upang maabot ng lahat ng mamamayan ng San Pablo sa ilalim ng Comprehensive Health Care Plan (CHCP) na sisimulan sa lalong madaling panahon. Sa ilalim ng CHP ay kasama ang primary,secondary at tertiary healthcare,” ayon kay Dr. Lee Ho sa isang panayam kaninang umaga sa San Pablo General Hospital.

Idadagdag din sa ilalim ng tertiary healthcare ang physical therapy at mental rehabilitation, ayon sa kanya.

Sa Hulyo, kasabay ng simula ng administrasyon ni San Pablo City Mayor Vic Amante ay ilulunsad ang Digital Identification for Healthcare System.

Ang ID system ay mahalaga para sa mahusay at epektibong paghahatid ng health services and public health management. Instrumento ito para sa pagkamit ng sustainable development goal. Kailangang malaman natin ang pagkakakilanlan ng isang pasyente upang ma-access ang mga kaugnay na medical at treatment histories at upang matiyak na mabibigyan sila ng pantay pantay at naaangkop na pangangalaga. Ang mga pasyente ay nangangailangan din ng dokumentasyon upang patunayan ang pagpapatala sa mga programa ng insurance o iba pang mga safety net na sumasaklaw sa mga gastusing medikal, ayon sa paliwanag ni Dr. Lee Ho.

Binanggit din niya ang pagtatatag ng mga karagdagang district units sa mga barangay na magsisilbing mga primary health care providers. Sa kasalukuyan ay may anim na district units sa nabanggit na lungsod, ayon pa rin sa ulat ni Dr. Lee Ho.

“Naging successful ang vaccination program sa San Pablo. Alam at ramdam ng ating mga kababayan na dinadala natin sila sa mga tamang programang pangkalusugan kaya ako ay naniniwala na makikiisa sila sa atin sa pagtataguyod ng CHCP,” ang pagtatapos ni Dr. Lee Ho.

Sinisimulan na sa San Pablo City ang Comprehensive Health Care Plan kung saan ay itatatag ang health care ID system, ang unang digitized health care plan sa Laguna.

Video credits: Carlo Juancho P. Funtanilla

Author profile
sandy-belarmino
Sandy Belarmino

Si Sandy Belarmino ay 17 taon ng naglilingkod sa larangan ng pamamahayag. Naging broadcaster siya sa radyo at local TV.  Media correspondent din sya at columnist sa iba’t ibang dyaryo ng lokal sa San Pablo City. Si Sandy ay kasalukuyang pangulo ng Seven Lakes Press Corps.