Convenience store hinoldap: Suspek timbog, kahera ibinuking

0
235

AMADEO, Cavite. Iniimbestigahan ngayon ng pulisya ang isang kahera ng isang convenience store matapos idawit ng isa sa naarestong suspek sa panghoholdap sa Amadeo nitong Linggo ng umaga.

Arestado na ang suspek na si alyas “Ricky” sa isinagawang follow-up operation ng Amadeo Police, habang patuloy na tinutugis ang kasamahan nito na si alyas John. Ayon sa imbestigasyon, kasabwat umano ang kahera ng convenience store sa Brgy. Tamacan, Amadeo, Cavite.

Sa ulat ng pulisya, bandang alas-5:55 ng umaga nang pumasok sa store ang kahera na si alyas Cherry. Kinuha niya ang halagang P68,000 mula sa vault at inilipat sa cashier’s counter. Ilang sandali lang, dumating ang mga suspek na sina Ricky at John, at nagdeklara ng holdap. Kinuha nila ang pera mula sa counter at mabilis na tumakas sakay ng motorsiklo patungo sa direksyon ng Silang, Cavite.

Sa follow-up operation ng pulisya, nahuli si alyas Ricky. Sa kanyang pagka aresto, itinuro niya si alyas Cherry na diumano ay nag-facilitate ng access para makuha ang pera.

Patuloy ang imbestigasyon sa kaso habang pinaghahanap pa rin ang isa pang suspek na si alyas John.

Ayon kay Police Officer-in-Charge, “Ang mabilis na aksyon ng aming mga tauhan ay nagresulta sa agarang pagkakahuli ng isa sa mga suspek. Iimbestigahan pa namin nang mabuti ang posibleng partisipasyon ng kahera sa krimen na ito.”

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.