MAYNILA— Tiniyak ng Malacañang na tuloy-tuloy at mas pinaigting na ang kampanya ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa korapsyon, sa gitna ng panawagan ng mga negosyante para sa agarang aksyon sa mga isyung may kinalaman sa mga flood control project.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, nagsasagawa na ng mga hakbang ang Pangulo upang tuldukan ang mga katiwalian sa gobyerno. Kabilang dito ang pagbuo ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na nag-iimbestiga sa mga anomalya sa mga proyektong pang-imprastruktura.
“May ginagawa na ang Pangulo para tuldukan ang korapsyon,” ani Castro, na nagbigay-diin din sa mga pagsisikap ng administrasyon na wakasan ang mga maling gawain sa loob ng pamahalaan.
Dagdag pa ni Castro, ipinag-utos na ng ICI ang pag-freeze sa mga ari-arian ng mga taong sangkot sa naturang anomalya at inirekomenda na ring sampahan ng kaso ang mga ito.
Hinimok din niya ang mga tinawag na “obstructionist” na itigil ang pagsabotahe sa mga repormang ipinatutupad ng administrasyon dahil aniya, hindi ito nakatutulong sa pag-unlad ng ekonomiya.
Ayon kay Castro, nauunawaan ni Pangulong Marcos ang sentimyento ng mga negosyante na nais ng agarang tugon at malinaw na aksyon sa mga kasong may kinalaman sa korapsyon.
Kaugnay nito, lumitaw sa pinakahuling Tugon ng Masa survey ng OCTA Research na ang korapsyon ang itinuturing ngayong ikalawang pangunahing alalahanin ng mga Pilipino.
Batay sa resulta, tumaas ng 18 puntos ang porsyento ng mga Pilipinong nababahala sa isyung ito mula 13% noong Hulyo tungo sa 31% nitong Setyembre na siyang pinakamataas na antas ng pagkabahala sa korapsyon na naitala ng OCTA.
“The sharp rise in corruption concerns indicates a growing public demand for integrity and accountability in government, as Filipinos increasingly turn their attention from just economic concerns to issues of governance,” ayon sa OCTA.
Pinakamataas ang antas ng pagkabahala sa korapsyon sa National Capital Region (NCR) sa 53%, habang pinakamababa ito sa Mindanao sa 18%.
Samantala, nananatiling pangunahing isyu ng mga Pilipino ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa 48%, bahagyang bumaba mula 50%. Sumunod ang abot-kayang pagkain sa 31%, sahod sa 27%, at paglikha ng mas maraming trabaho sa 23%.
Ang naturang non-commissioned survey ay isinagawa ng OCTA mula Setyembre 25 hanggang 30 sa 1,200 adult respondents sa pamamagitan ng face-to-face interviews.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






