DA magtatakda ng suggested retail price ng sibuyas ngayong linggo

0
209

Magsasagawa ng inspeksyon sa mga cold storage facility ng sibuyas ang Department of Agriculture (DA) ngayong linggo. Sinabi ni DA spokesperson Assistant Secretary Kristine Evangelista sa isang panayam sa teleradyo na itatakda ng DA ang Suggested Retail Price (SRP) para sa mga pula at puting sibuyas ngayong linggo habang isinasagawa ang inspeksyon sa mga cold storage facility.

“Kung hindi po bukas, sana by Wednesday. Pero ang monitoring ngayon ay hindi lamang sa palengke, kundi pati sa mga cold storages,” aniya. Kahit ang mga cold storages na pag-aari ng pribado ay bibisitahin ng BPI (Bureau of Plant Industry), mga field inspector ng DA, kasama ang PNP (Philippine National Police) at CIDG (Criminal Investigation and Detection Group), upang tingnan ang presyo ng mga sibuyas, kung sino ang nagpasok, pati na rin ang paglabas,” dagdag pa niya.

Nauna dito ay sinabi ng DA na itatakda nila ang PHP140 bawat kilogram na SRP para sa puting sibuyas, at PHP150 bawat kilogram naman para sa mga pula.

Noong Biyernes, ang umiiral na presyo ng lokal na pula at puting sibuyas sa Metro Manila ay naglalaro mula PHP160 hanggang PHP200 bawat kilo.

Samantala, sinabi ni Evangelista na ilang mga negosyante ang pumayag na magpatupad ng wholesale price para sa cold storage matapos ang pakikipag pulong nila sa mga stakeholder.

“Kaya po ang sabi natin, ang wholesale na para sa cold storage, PHP115. Ito po ang napagkasunduan namin para sa mga pula at PHP100 para sa mga puti. ‘Yan po ang magiging basehan kung magkano naman dapat ibagsak sa palengke,” ayon kay Evangelista.

Ang presyong ito ay batay sa farm gate price na nasa PHP75 hanggang PHP85 tuwing panahon ng ani.

Sinabi rin ni Evangelista na para maipatupad ng mga nagtitinda ang PHP150 na presyo sa merkado, dapat umabot sa PHP125 hanggang PHP130 ang presyo ng sibuyas mula sa cold storage.

“Kung mataas po ang bigay sa inyo ng inyong mga suki, hindi kayo makasunod sa retail price, mayroon naman kaming pwedeng i-offer sa inyo na itong mga ito ay willing. So ito po ‘yung pamamaraan para wala tayong excuse para ‘di makasunod,” pahayag niya.

Sinabi pa ni Evangelista na iba’t ibang ahensya ang nagtutulungan para masiguro na walang sinuman ang aabuso sa mga mamimili.

Bukod sa pagtatakda ng SRP at koordinasyon ng DA sa mga lokal na pamahalaan, siniguro rin ng DA na nag iisip sila ng iba pang mga inisyatiba para sa monitoring at coordination laban sa price manipulation at calibrated importation.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo