DA: Nananatiling kontrolado ang bird flu outbreak sa Luzon

0
330

Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) sa publiko kahapon na nananatiling kontrolado ang bird flu outbreak sa ilang duck at quail farms sa Luzon habang iniuutos ng nabanggit na ahensya ang mas mahigpit na containment measures.

Sa virtual press briefing ng DA, sinabi ni Secretary William Dar na dapat paigtingin ang mga biosafety protocol upang mapanatili ang epektibong pagpigil sa virus.

“Nandito na sa atin, pero maganda po ang ugnayan ng Bureau of Animal Industry, regional field offices, and the Department of Health, so under control po ito,” ayon sa kanya.

Sa naunang pahayag, sinabi ni Dar na kailangan ng agarang aksyon upang maiwasan ang pagkalat ng sakit sa ibang mga rehiyon.

“The avian influenza virus detected is of subtype H5N1, which is also a threat to human health. This is the very reason we have to double our efforts in controlling and containing bird flu, and we can accomplish this through cooperation,” ayon sa kanya.

Sa ngayon, ang Avian Influenza (AI) H5N1 outbreak ay naitala sa mga duck at quail farms sa Bulacan, Pampanga, Laguna, at Camarines Sur.

Ngunit may naiulat din na mga kaso sa Nueva Ecija, Bataan, Tarlac, Sultan Kudarat, at Benguet “posible” ito dahil sa pagkakaroon ng migratory birds, ayon sa departamento.

Ang DA ay naglabas na ng Memorandum Circulars 5 at 6, na nagsasaad ng mga alituntunin sa paggalaw at pagbabantay sa mga ibon at produkto ng manok sa gitna ng avian influenza outbreak.

Pansamantalang sinuspinde ng isang buwan ang pagdadala ng lahat ng uri ng buhay na ibon, kalapati, game fowl, at pato mula Luzon patungong Rehiyon 4B, Visayas, at Mindanao.

Gayundin, sinuspinde ng 30 araw ang inter-regional na paglilipat ng mga buhay na itik at pugo sa loob ng mainland Luzon.

Kasama rin ang iba pang mga regulasyon para sa mga kalakal ng manok, partikular sa mga nagmumula sa 1-kilometer quarantine zone.

BIRD FLU. Ipinakita ni Department of Agriculture Secretary William Dar (kanan) at Assistant Secretary Noel Reyes (kaliwa) ang mga update sa “Plant, Plant, Plant Program Part 2” ng DA sa isang virtual press conference tungkol sa food security noong Martes (Marso 29, 2022). Tiniyak ni Dar na kontrolado ang public bird flu outbreak dahil nagpatupad sila ng mas mahigpit na mga hakbang sa pagpigil sa pagkalat nito. Photo credits: PNA
Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.