DA nanawagan laban sa panic buying ng bigas; PNP iimbestigahan ang pagsasara ng ilang gasolinahan

0
54

MAYNILA — Nanawagan ang Department of Agriculture (DA) sa publiko na iwasan ang panic buying ng bigas, partikular ng P20 kada kilo na bigas na ipinagbibili sa mga Kadiwa Program center ng pamahalaan.

Ayon sa DA, nananatiling sapat ang suplay ng bigas sa bansa, lalo na’t kasalukuyang panahon ng anihan ngayong buwan ng Marso. Ipinabatid ng ahensya ang pahayag matapos lumabas ang mga ulat na may ilang grupo umano na dumadagsa sa mga distribution point ng murang bigas, na nagdudulot ng espekulasyon na maaaring maubos ang suplay dahil sa tensiyon sa Middle East.

Tiniyak ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. na sapat ang imbentaryo ng bigas sa bansa at patuloy ang paggiling ng palay ng National Food Authority (NFA) upang mapunan ang suplay na ibinebenta sa mga Kadiwa center sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

“Nauunawaan namin na ang tensyon sa Middle East ay nagdudulot ng pangamba sa maraming Pilipino, lalo na sa mga nasa mahihinang sektor. Ngunit ang pagkilos dahil sa takot ay lalo lamang magpapalala sa sitwasyon. Mayroon tayong sapat na rice buffer at magandang ani,” paliwanag ni Tiu Laurel.

Nagbabala rin ang DA sa mga negosyanteng posibleng magsagawa ng hoarding o pagtatago ng suplay upang manipulahin ang presyo ng bigas. Ayon sa ahensya, mahaharap sa kaukulang parusa ang sinumang mahuhuling nagsasamantala sa sitwasyon sa pakikipagtulungan ng Department of Trade and Industry (DTI).

Hinimok din ng DA ang publiko na bumili lamang ng sapat na dami ng bigas para sa pang-araw-araw na konsumo ng pamilya upang mabigyan din ng pagkakataon ang ibang mamimili na makabili ng murang suplay.

Samantala, iniutos naman ni Jose Melencio Nartatez Jr., hepe ng Philippine National Police (PNP), ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa biglaang pagsasara ng ilang gasolinahan kasunod ng pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Ayon kay Nartatez, inatasan na niya ang mga hepe ng pulisya na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at sa Department of Energy (DOE) upang alamin ang dahilan ng pansamantalang pagsasara ng ilang gasoline station.

Pinangangambahan ng mga awtoridad na maaaring may nagaganap na hoarding o price manipulation sa suplay ng petrolyo.

“We in the PNP fully understand the situation that gas station owners face amid the challenges brought by the situation in the Middle East,” pahayag ni Nartatez.

Nauna nang humiling ng tulong ang DOE sa PNP upang bantayan at tugisin ang mga gasolinahang umano’y nagsasamantala sa sitwasyon sa Middle East.

Batay sa mga ulat, ilang gasolinahan ang bigla na lamang nagsara matapos ipahayag ang panibagong pagtaas ng presyo ng petrolyo. Dahil dito, tiniyak ni Nartatez na pinalakas ng PNP ang kanilang monitoring at operasyon upang mapigilan ang hoarding at profiteering na maaaring makaapekto sa mga motorista.

Patuloy ding binabantayan ng pamahalaan ang suplay at presyo ng fuel sa bansa, lalo na sa gitna ng volatility sa merkado ng Middle East na nagdudulot ng pangamba sa posibleng kakulangan ng suplay ng langis.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.