DA: Repasuhin ang 2019 Rice Tariffication Law hinggil sa pagtaas ng presyo ng bigas

0
1088

Sa gitna ng mga pagtaas ng presyo ng bigas, ang pinakamainam na solusyon para makamit ang mas murang halaga nito ay ang pagsusuri sa 2019 Rice Tariffication Law (RTL), ayon sa isang opisyal mula sa Department of Agriculture.

Sa ngayon, ang presyo ng bigas ay mula ₱50 hanggang ₱62 kada kilo sa mga pamilihan sa mga palengke, at inaasahang tataas pa ito mula ₱60 hanggang ₱65 sa susunod na linggo. Isinisisi ng mga grupo ng mga magsasaka ang mataas na presyo sa isang rice cartel sa mga negosyante, importer, at mga miller.

“Review I think is the best solution. Revisit again the Rice Tariffication Law. Titingnan kung ano pa ang kailangang amendahan at kung ano pa’ng dapat i-strengthen na provisions dun,”  pahayag ni DA Assistant Secretary Chief of Staff Rex Estoperez noong Lunes.

Ang RTL ay nag aalis sa mga limitasyon sa kalakal ng bigas at nagpatupad ng minimum na 35% na taripa sa mga inaangkat.

Ipinag uutos din nito sa National Food Authority (NFA) na bumili lamang ng produkto mula sa mga lokal na magsasaka at magtakda ng buffer stock na halaga ng 15 hanggang 30 araw na konsumo ng bigas sa buong bansa.

Samantala, ang mga grupo ng mga magsasaka tulad ng Bantay Bigas at AMIHAN ay nanawagan sa DA na ipagpatuloy ang price control ng bigas sa halip na ipatupad ang suggested retail price at malawakang pag-aangkat.

Inaasahan na papasok sa bansa ang mga 300,000 metriko tonelada ng imported na bigas ngayong buwan at sa susunod na buwan.

Gayunpaman, sinabi ni Estoperez na “Ginagamit lang naman yung suggested retail price ‘pag nakikita nating may paggalaw ng presyo na hindi maganda. Pero yung price control, sa ngayon, wala naman tayong emergency.”

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.