MAYNILA. Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagbibigay ng karagdagang ₱1,000 honoraria para sa mga guro at iba pang election workers na magseserbisyo sa darating na 2025 midterm elections, bilang pagkilala sa kanilang mahalagang papel sa halalan.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, “Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., dinagdagan pa ng Department of Budget and Management ng isang libong piso ang election honorarium ng mga guro at poll workers.”
Ang dagdag na ₱1,000 ay hiwalay pa sa naunang across-the-board increase na ₱2,000, na inaprubahan na rin ng Pangulo. Dahil dito, malaki ang magiging kabuuang honoraria ng mga nagsisilbing miyembro ng Electoral Board:
- Chairperson – ₱13,000
- Poll Clerk – ₱12,000
- Third Member – ₱12,000
- Support Staff – ₱9,000
Para naman sa mga volunteer staff mula sa Department of Education (DepEd), ang bagong honoraria ay:
- Supervisors – ₱12,000
- Supervisors’ Admin Support Staff – ₱9,000
- Supervisors’ Tech Support Staff – ₱10,000
Tinatayang aabot sa 760,000 poll workers sa buong bansa ang nagserbisyo noong nakaraang May 12 elections, ayon sa Malacañang.
Pinuri rin ng Palasyo ang dedikasyon ng mga guro at election workers na nagtrabaho hanggang madaling-araw para tiyaking maayos ang halalan at tama ang pagbibilang ng boto.
“Saludo po kami sa inyong dedikasyon,” pahayag pa ni Castro.
Ang dagdag-honoraria ay inaasahang magiging insentibo at pagkilala sa sakripisyo ng mga frontliners ng eleksyon, lalo na’t malapit na ang 2025 midterm polls.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.