Dagdag-presyo sa sardinas, powdered milk at ilang produkto, inaprubahan ng DTI

0
180

Inaprubahan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga hiling na itaas ang presyo ng ilang pangunahing produkto tulad ng sabon, canned sardines, at powdered milk, ayon sa ulat kahapon.

Inaasahang tataas ang presyo ng toilet o bath soap ng P1 hanggang P4; canned sardines ng P2 hanggang P3.59; at powdered milk ng P3.5 hanggang P6, ayon sa inilabas na pahayag ng DTI. Ang mga pagtaas na ito ay naka-iskedyul na sa mga sumunod na linggo.

Bukod sa nabanggit na mga produkto, iniimbestigahan rin ng DTI ang mga panukala ng ilang manufacturers na taasan ang presyo ng bottled water, instant noodles, tinapay, at iba pang kagamitang nakalata kabilang ang corned beef at meat loaf, pati na rin ang kandila at baterya.

Sa panukala, planong itaas ang presyo ng gatas ng P3.50 hanggang P6.00; tinapay ng P2.00 hanggang P2.50; instant noodles ng P0.30 hanggang P1.75; bottled water ng P1.00 hanggang P6.00; processed canned meat ng P6.00 hanggang P33.00; condiments ng P0.60 hanggang P0.65; kandila ng P6.00 hanggang P30.00; at baterya ng hanggang P10.00.

Ayon sa DTI, nagsimula na ang proseso ng pagpapahintulot ng pagtaas ng presyo noong 2022, subalit hiniling ng mga manufacturers na ipagpaliban ito. Ang e-Presyo system naman ang gagamitin ng DTI para i-publish ang mga adjustment sa presyo ng mga produkto.

Samantalang, iniimbestigahan ng DTI at ng mga manufacturers ng canned sardines ang posibilidad ng paglulunsad ng “low-budget” canned sardines o “pinoy sardines” para sa mas abot-kaya alternatibo sa merkado.

Sa pahayag ni DTI Assistant Secretary Amanda Nograles, “Isa yan sa mga proposal natin para magkaroon pa rin tayo ng standardized, de kalidad, pero abot-kaya na presyo na produkto. Sa kasalukuyan, meron yan sa tinapay kaya meron tayong pinoy tasty at pinoy pandesal.”

Nagbigay naman ng kanyang pananaw si Canned Sardines Association of the Philippines (CSAP) Executive Director Bombit Buencamino, “We may be looking for new sources of tomato paste, which are imported or work on some importation privileges, para bumaba yung cost. We also want to work on yung aming flavoring, items from agricultural products like carrots, pepper, etc.”

Binanggit pa ni Buencamino na kanilang isinumite na ang draft ng kanilang Memorandum of Understanding (MOA) sa DTI para pag-usapan kung paano aaksyunan ang usapin na ito.

Nangangamba ang ilang sektor ng mamamayan sa posibleng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, at inaasahan ang masusing pagmamasid ng publiko sa mga susunod na araw.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.