MAYNILA. May bagong dagok sa bulsa ng mga konsumer ngayong Abril matapos ianunsyo ng Manila Electric Company (Meralco) ang panibagong pagtaas sa kanilang singil sa kuryente.
Ayon sa abiso ng Meralco, itataas ng kumpanya ang power rate ng P0.7226 kada kilowatt-hour (kWh), dahilan upang umakyat ang household rate sa P13.0127/kWh mula sa dating P12.2901/kWh noong Marso.
Paliwanag ng Meralco, pangunahing dahilan ng taas-singil ay ang pagtaas ng generation charge o ang bayad para sa kuryenteng binibili mula sa mga power plant.
Dahil dito, ang isang karaniwang konsumer na kumokonsumo ng 200 kWh kada buwan ay kailangang magbayad ng karagdagang P144.52 sa kanilang electric bill ngayong buwan.
“As a result of higher generation charges, the overall electricity rate for a typical household will go up by P0.7226 per kWh this April,” pahayag ng Meralco.
Ipinayo rin ng kumpanya sa mga kustomer na ugaliing magtipid sa paggamit ng kuryente, lalo na at papalapit na ang mas mainit na panahon kung kailan karaniwang tumataas ang konsumo ng bawat kabahayan.
Patuloy namang umaapela ang mga konsumer sa pamahalaan at mga kinauukulang ahensya na tutukan ang sunod-sunod na taas-singil upang hindi na lalo pang mabigatan ang taumbayan.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo