Dalagang graduating college student sa La Salle patay sa magnanakaw

0
798

Dasmariñas City, Cavite. Patay sa saksak ang isang dalagang graduating college student matapos pagnakawan noong Martes ng hapon, Marso 28 sa lungsod na ito.

Kinilala ang biktima na si Queen Leanne Daguinsin, 24 anyos, graduating student sa Bachelor in Computer Science sa De La Salle University, Dasmariñas City, Cavite, at nakatira sa isang dormitoryo sa nasabing lungsod.

Ayon kay Police Col. Christopher Olazo, provincial director ng Cavite Police Provincial Office, bandang alas 4 ng hapon ng matagpuan ang bangkay ng biktima sa loob ng kanyang kwarto sa nasabing lungsod.

Ayon sa kwento ng landlady ng biktima, nagtataka siya kung bakit hindi pa lumalabas ng kanyang kuwarto ang biktima para pumasok sa paaralan at panay na rin ang tawag ng kanyang mga kaklase.

Pagsapit ng hapon, napilitan na ang landlady na buksan ang silid ng biktima at laking gulat na lamang niya nang tumambad sa kanyang harapan ang naliligo sa sariling dugo na biktima na wala ngbuhay at may takip na unan sa mukha.

Batay sa pagsisiyasat ng pulisya, nadiskubre na nawawala ang cellphone, pera at laptop ng biktima kaya hinihinalang pagnanakaw ang motibo sa krimen.

Nakita sa rin sa CCTV ang suspek na nakasuot ng kulay asul na t-shirt, black shorts, black cap na dumaan sa rooftop ng kabilang dormitory papunta sa kwarto ng biktima.

Nagtamo ng 14 na saksak sa katawan at leeg ang biktima na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang follow-up investigation ng pulisya para sa agarang pagkakakilanlan at pagdakip sa suspek.

Nanawagan sa publiko ang pulisya sa sinumang nakakakilala o may impormasyon sa pagkakakilanlan ng suspek ay mangyaring makipag-ugnayan sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.