SAN MATEO, RIZAL. Isang 15-anyos na dalagita ang naging biktima ng pang-aabuso matapos pumayag na sumakay sa motorsiklo ng isang rider na nag-alok na ihahatid siya sa bahay ng kanyang kaklase. Nangyari ang insidente kahapon sa San Mateo, Rizal.
Ayon sa ulat, papunta sana ang dalagita sa bahay ng kanyang kaklase upang gumawa ng assignment. Habang naglalakad, nadaanan siya ng suspek at inalok na ihahatid. Pumayag ang dalagita at ilang minuto pa lamang silang magkasama ay tila nagkapalagayan na sila ng loob. Nagawa pa nilang kumain sa isang restoran bago nakalimutan ng biktima ang kanyang orihinal na pakay.
Sa halip na sa bahay ng kaklase, dinala ng suspek ang dalagita sa kanyang bahay sa San Mateo, Rizal, kung saan naisakatuparan ang kanyang makamundong pagnanasa. Matapos ang insidente, inihatid pa ng suspek ang biktima sa kanilang bahay, na inakala niyang nagkapalagayan na sila ng loob at hindi niya inasahang ang menor de edad ay magsusumbong sa kanyang ina.
Sinamahan ng kanyang ina ang dalagita sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Group – Anti Organized Crime Unit (CIDG-AOCU) upang magsampa ng reklamo laban sa suspek. Agad kumilos ang mga awtoridad at sa tulong ng plate number ng motorsiklo, natunton at naaresto ang suspek.
Ayon kay Police Colonel Ian Rosales, hepe ng CIDG-AOCU, nadiskubre na dating salesman ang suspek at may warrant of arrest para sa kasong estafa. Inamin naman ng suspek ang kanyang krimen at sinabi niyang hindi niya inakalang 15-anyos lamang ang dalagita. Aniya, naging maayos ang kanilang pagkikilala at inisip niyang may makakasama na siya sa buhay dahil isa na siyang balo at mag-isa na lamang sa buhay.
Nahaharap ngayon ang suspek sa mga kasong acts of lasciviousness, child rape, at child abuse.
Nagpaalala naman ang mga awtoridad sa publiko, lalo na sa mga kabataan, na huwag basta-basta makipag-usap at magtiwala sa mga taong hindi kakilala upang maiwasan ang ganitong mga insidente.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.