Dalawa ang mukha ng pulitika: Formal politics at informal politics

0
675

Buod ng pulitika ang paggamit ng personal na relasyon upang magkamit ng kapangyarihan. Karaniwan ay nakatago ang anggulo na ito. Dito nag uugat ang ikalawang mukha ng karumaldumal na nakakubling mukha ng pulitika.

Ang pormal politics ang malinis na mukha ng pulitika. Dito nakalatag ang busilak at magandang gawa, hangarin at pananalita – boto, partido, representation, policies, city council meetings, senate sessions, public fora, committee hearings, social services, ayuda at sari saring public service. Mga partisipasyon ito sa ilalim ng makabatas na tuntunin at patakaran.

Sa kabilang mukha, ang informal politics ay isang uri ng nakasanayan ng mga kodigo at pag uugali sa mundo ng pulitika kagaya ng cronyism, nepotism, patronage, patrimonialism, political mediation, patron-client relations, rent-seeking at guanxi networks.

Nasa ibabaw ang formal politics at nasa ilalim ang informal politics. Ang huli ang nagpapatakbo ng tunay na palabas. Ganito ang labanan hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.

Kahit saan ay umiiral ang informal politics. Isang halimbawa nito si Senator Pakumbo na nag mamanipula ng isang welfare program upang siya ang suportahan ng mga benepisyaryo sa susunod na eleksyon. Kasama din dito ang mga dating tropa at seatmate sa elementary school na nagbibigay ng hubog sa pagpili sa mga miyembro ng gabinete. O isang negosyante na naka dyakpat ng mga kontrata ng supplies at infrastucture projects sa kapitolyo dahil pinondohan niya ang kampanya ng nakaupong mayor o gobernador. Kahilera din nito ang mga government official na nag aayos ng kanyang posisyon o promotion sa pamamagitan ng pagpapa alila, pagreregalo at pagsisip sa mga pulitiko. Natuwa ka sa tinanggap mong ayudang bigas at sardinas. Sa likod mo ay natuwa din ang ilang middle class na kumita ng limpak limpak sa pamumuhunan sa ayuda goods. Informal politics din ang tawag sa kapitbahay o kabarangay mong nakikipag deal sa iyo para bilhin ang boto mo.

Ang eskandalo at mga kwento sa likod ng over priced at expired face mask na binili ng Department of Budget Management para sa Department of Health ay isang malinaw na pagpapakita ng informal politics.

Lahat na nakapaloob sa informal politics ay nag uugnay sa corruption, ilegalidad at mga taong lumalabag sa tamang patakaran at hindi sumusunod sa tamang proseso ukol sa government transactions na itinakda ng batas. Ganito ang itsura ng informal politics – isang bungkos ng mapanlinlang at mga tolonges na may intensyon na labagin ang official rules at procedures sa pamamagitan ng pagsasamantala sa kanilang mga personal na koneksyon. Sila ang pumipigil sa tamang direksyon ng gobyerno. Sa interpretasyon na ito, lumalabas na meron talagang maayos at malinaw na sistema ng pamahalaan na pinapatakbo ng matitinong tao. Lamang, paminsan minsan ay nahaharang ng ilang political actors.

Ang daigdig ng mga user ng personal na relasyon upang magkaroon ng impluwensya ay hindi teritoryo lang ng mga oportunista. Sa ganitong paraan nakakamit ang kapangyarihan at sa ganitong paraan din ipinamamahagi ang resources. Teritoryo ito ng mabubuti at masasamang player sapagkat ang mga taong nasa kapangyarihan ay bihirang magkaroon ng luho na magpairal ng tamang tuntunin at pamamaraan lamang. Sa tunay na buhay, ang pulitika ay isang balancing act ng katapatan sa batas at pagiging sunod sunuran sa mga tolonges.

Kahit saan ay nag iiwan ng bakas ang informal politics ngunit ang mismong hayup ay mahirap makita o mahuli. Importanteng makita natin ang dalawang mukhang ito upang maging gabay sa pagpili ng mga kandidatong iboboto.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.