Dalawa ang patay matapos araruhin ng dump truck ang mga bahay sa Laguna

0
269

SINILOAN, Laguna — Dalawang katao, kabilang ang isang menor de edad, ang nasawi matapos araruhin ng isang dump truck na kargado ng graba ang ilang bahay at tumagilid sa gilid ng Famy–Infanta Provincial Road sa Barangay Siniloan, Laguna.

Ayon sa ulat, pinagtulungang hulihin ng mga residente ang driver at helper ng trak matapos itong sumalpok sa mga bahay kung saan ay may ilang taong naipit sa loob.

Tinangka umanong tumakas ng pasahero ng trak ngunit naabutan at napigilan ng mga residente.

Gumamit ang mga rescuer ng payloader upang maiahon ang mga biktimang naipit sa insidente. Agad silang isinugod sa ospital upang gamutin.

Dalawa sa mga biktima, kabilang ang isang menor de edad, ang binawian ng buhay habang ginagamot, habang anim na iba pa ang nasugatan, kabilang ang driver at pasahero ng trak.

Ayon sa imbestigasyon, bumiyahe ang dump truck mula Infanta, Quezon patungong Lucena City nang maganap ang aksidente sa isang kurbadang bahagi ng kalsada.

Sinabi ng ilang saksi na mabilis ang takbo ng trak ito bago mawalan ng kontrol.

Sa panig naman ng driver, sinabi nito sa pulisya na pumalya umano ang preno ng sasakyan kaya napilitan siyang ilihis ang trak patungo sa gilid ng kalsada.

Ikinuwento rin ng helper ng trak na siya ay binugbog at sinakal ng mga residente nang siya ay makababa mula sa sasakyan.

Ayon sa pulisya ng Siniloan, haharap ang driver sa kasong reckless imprudence resulting in double homicide, multiple physical injuries, at damage to property kaugnay ng insidente.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.