Dalawang babae, tinadtad ng saksak sa condominium

0
361

IMUS CITY, Cavite. Natagpuang tadtad ng saksak ang mga bangkay ng isang babaeng negosyante at ng kanyang dalagang kamag-anak sa isang condominium sa Brgy. Bayan Luma 2, lungsod na ito. Ang pangunahing suspek ay ang tomboy na ka-live in partner ng negosyante, na diumano ay selos ang motibo.

Ang mga biktima ay kinilalang sina Aldena Tano Popelo, 48-anyos, isang businesswoman, at Jenelyn Salvador, 19-anyos. Ang dalawa ay parehong residente ng Villa Celestine Condominium, Doña Dionisia Subdivision Gate 2, Brgy. Bayan Luma 2, Imus City, Cavite.

Ayon sa ulat ng Imus City Police, nadiskubre ang mga biktima noong alas-8 ng umaga. Ang kanilang mga katawan ay natagpuang duguan at tadtad ng saksak sa loob ng kanilang condominium unit.

Sa salaysay ng kapatid ni Popelo, napansin niyang hindi pa nagbubukas ng puwesto ang kanyang kapatid sa Imus Public Market, isang bagay na hindi pangkaraniwan. Kaya’t nagdesisyon siyang personal na bisitahin ang kapatid sa condo. Pagpasok pa lang niya sa main door ng unit, nakakita siya ng mga patak ng dugo. Nang makapasok sa kuwarto, doon niya nadiskubre ang mga duguan at nakahandusay na katawan ng mga biktima.

Ayon sa mga kapitbahay ng mga biktima, 10:30 ng gabi, narinig nila ang malalakas na ingay at tila nag-aaway mula sa unit ng mga biktima. Ang isa sa mga nag-aaway ay si Popelo at ang kanyang ka-live in partner na tomboy, na nakilala lamang sa alyas na “Mona,” 60-anyos.

Narekober ng pulisya ang isang duguang icepick mula sa kuwarto ng mga biktima, na posibleng ginamit ng suspek sa pagpatay. Sa kasalukuyan, patuloy ang paghahanap ng pulisya sa ka-live in partner ng biktima, na pangunahing suspek.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.