ANGELES CITY, Pampanga. Patay ang dalawang batang magpinsan matapos umanong ma-suffocate dahil sa matinding init habang naglalaro sa loob ng isang nakaparadang kotse sa Brgy. Malabanias, lungsod na ito nitong Biyernes.
Ang dalawang bata, na hindi tinukoy ang mga pangalan na edad 2 at 3, ay natagpuan ng mga awtoridad na patay sa loob ng sasakyan.
Sa inisyal na ulat ng Angeles City Police, ipinarada ni Jaypee Santos, may-ari ng kulay maroon na Toyota Vios na may plakang CBE-3794 ang kaniyang sasakyan sa harapan ng kanilang tahanan sa Brgy. Malabanias.
Gayunman, ilang oras matapos ito, bumalik sa kaniyang kotse si Santos at laking gulat niya nang makitang may dalawang bata sa loob na parehong nakahandusay.
Sa CCTV footage, kitang-kita ang dalawang bata na naglalaro at nagawa pang mabuksan ang kanang pintuan ng kotse kung saan sila ay pumasok.
Ngunit, hindi nila nagawang makalabas ng sasakyan hanggang sa sila ay makulong.
Pinaniniwalaan na na-suffocate sa loob ng kotse ang dalawang biktima dahil sa napakainit na panahon.
Nangako naman ang pamahalaang lungsod na magbibigay ng pinansyal na tulong sa pamilya ng mga nasawi.
Inilagay sa masusing imbestigasyon ng mga awtoridad ang pangyayaring ito upang alamin kung may pananagutan ang may-ari ng sasakyan sa pagkamatay ng dalawang bata.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.