Dalawang kabataang volunteers, dinukot at hindi sumuko sa Bulacan

0
173

PLARIDEL, Bulacan. “Dinukot po kami at hindi kami kusang-loob na sumuko sa militar,” ito ang mariing pag-amin ng dalawang kabataang environmental volunteers nang sila ay iharap sa mga miyembro ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa bayang ito.

Kinilala ang dalawang volunteers na sina Jonila Castro, 21, ng Brgy. Lumang Bayan, at Jhed Tamano, 22, ng Brgy. Parulan; parehong mga taga-Plaridel, Bulacan, at miyembro ng AKAP KA Manila Bay (Alyansa ng mga Mamamayan para sa Pagtatanggol sa Kabuhayan, Paninirahan at Kalikasan ng Manila Bay). Ayon sa kanila, sila ay dinukot ng mga armadong lalaki na nagpakilalang kasapi ng 70th Infantry Battalion ng Philippine Army noong Setyembre 2 sa gabi sa Orion, Bataan.

Sa kabila ng pahayag ni Lt. Col. Ronnel Dela Cruz, commander ng 70th IB, na kusang-loob na sumuko ang dalawang kababaihan para magbalik-loob sa pamahalaan, mariin nilang itinanggi ito. Ayon sa kanila, sila ay tinakot at binalaan pa ng mga sundalo na masama ang mangyayari sa kanilang pamilya kung sila ay magsusumbong sa mga awtoridad.

Dagdag pa ni Castro, sapilitan silang pinapirma sa isang affidavit na nagsasaad na sila ay kasapi ng mga makakaliwa at nagbabalak nang magbalik-loob sa gobyerno. Subalit ayon sa kanila, ito ay labag sa kanilang kagustuhan.

Sa kabila ng mga paratang na ito, patuloy na iginiit ni Battalion Commander Dela Cruz na kusang-loob na sumuko at pumirma sa affidavit ang dalawang aktibista.

Bago ang kanilang pagdukot, ang dalawang biktima ay nakatakdang kumilos para sa isang relief operation na isagawa sa Bataan.

Sinabi naman ni Plaridel Mayor Jocell Vistan Casaje na kanilang tututukan ang kaligtasan ng dalawang kababaihan matapos ang kanilang pagpapahayag ukol sa nangyari sa kanilang pagkawala.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.