Dalawang LPA binabantayan sa PAR, patuloy na pag-ulan asahan

0
452

MAYNILA. Patuloy ang pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa habang dalawang low pressure area (LPA) ang binabantayan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Ayon sa PAGASA, parehong “unlikely” o “mababa ang tsansa” na maging bagyo sa loob ng susunod na 24 oras ang naturang mga LPA.

Sa ulat ng ahensya kaninang alas tres ng madaling araw nitong Martes, ang isang LPA ay namataan sa layong 460 kilometro kanluran ng Coron, Palawan. Isa pang LPA ang nasa 190 kilometro silangan hilagang-silangan ng Juban, Sorsogon.

Dahil dito, makararanas ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog ang Bicol Region, Central Visayas, Eastern Visayas, Aurora, Quezon, Rizal, Bulacan, Nueva Ecija, Quirino at Nueva Vizcaya.

Apektado rin ng trough ng LPA ang Metro Manila, MIMAROPA, natitirang bahagi ng Central Luzon at CALABARZON, gayundin ang nalalabing bahagi ng Visayas.

Samantala, ang nalalabing bahagi ng Cagayan Valley ay makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na ulan bunsod ng easterlies. Ang parehong weather system din ang magdadala ng bahagyang maulap hanggang maulap na papawirin na may pulu-pulong pag-ulan o pagkidlat-pagkulog sa Ilocos Region at Cordillera Administrative Region.

Sa Mindanao, makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog ang Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at SOCCSKSARGEN dahil sa southwest monsoon.

Ang natitirang bahagi ng Mindanao naman ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang maulap na papawirin na may pulu-pulong pag-ulan o pagkidlat-pagkulog dulot ng localized thunderstorms.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.