Dalawang magkabukod na pagkamatay sa Victoria iniimbestigahan ng Laguna PNP

0
173

VICTORIA, Laguna. Masusing iniimbestigahan ngayon ng mga pulis ang magkahiwalay na insidente ng pagkamatay ng dalawang kabataan na natagpuan sa kani-kanilang mga tahanan sa bayang ito.

Iniutos ni Col. Gauvin Yamashita Unos, direktor Laguna Provincial Police Office, na siyasatin ang dalawang magkahiwalay na insidente kung saan natagpuan ang mga katawan ng dalawang kabataan sa loob ng kanilang mga kuwarto.

Kinilala ni Police Captain Myra Pasta, ang hepe ng pulisya sa Victoria ang mga biktima na sina Ricky Herradura, 21 anyos, at Jessa Sevilla, 18 anyos. Si Herradura ay binata at naninirahan sa M.L. Quezon St. samantalang si Sevilla ay isang first year college student na naninirahan sa Purok 2, Barangay Masapang.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, natagpuan kanyang kasambahay ang bangkay ni Herradura sa loob ng kanyang silid na nakabalot sa kumot kamakalawa ng umaga. Agad siyang isinugod ng pamilya sa ospital ngunit idiniklara ng mga doktor na patay na.

Nagbigay ng impormasyon ang ilang kaibigan ni Herradura sa pulisya na masaya pa itong nakipag-inuman sa kanila bago umuwi.

Sa kabilang banda, natagpuan naman ng kapatid ang bangkay ni Sevilla sa kanyang kama bandang alas singko ng umaga. Agad itong dinala sa ospital ngunit idiniklarang dead on arrival.

Si Sevilla ay isang first year college student sa isang eksklusibong paaralan sa Sta. Cruz, Laguna at diumano ay miyembro ng iba’t ibang organisasyon sa kolehiyo.

Patuloy ngayon ang malalimang imbestigasyon ng pulisya upang alamin kung may foul play sa pagkamatay ng dalawang kabataan.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.