Dalawang nawawalang environmental activists sumuko sa pamahalaan: Rights group hindi kumbinsido

0
222

Kasalukuyang nasa pangangalaga ng pamahalaan ang dalawang nawawalang environmental activists matapos silang tumakas mula sa kilusan ng mga komunistang CPP-NPA-NDF. Nauna dito ay nailathala na nawawala at nadukot sina Jhed Tamano, 22, at Jonila Castro, 21.

Ayon sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), sumuko ang dalawang environmentalist sa 70th Infantry Battalion (70IB) ng Philippine Army (PA) sa Bataan. Batay sa ulat ni National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya, nasa maayos na kalagayan sina Tamano at Castro. “Kung makikita po ninyo sa mga footages na ipinakita namin, mismong CHR ay nakipag-usap doon sa dalawang batang iyon at sila po ay nasa mabuting kalagayan,” ayon kay Malaya.

Sinabi pa ni Malaya, hindi environmentalists sina Tamano at Castro, kundi tumatayong organizer ng grupong Kabataan at Karapatan ang dalawa. Ayon sa NTF-ELCAC, iniuugnay ang dalawang aktibista sa rebeldeng grupo na New People’s Army (NPA).

Nagdulot din ng takot ang insidenteng ito sa iba pang mga magulang sa probinsya na may mga pinag-aaral pang mga anak na tina-target ng mga komunistang-terorista upang mapasanib sa kanila at maging mga gerilya ng CPP-NPA, ayon kay Police Captain Carlito Buco Jr., Chief Public Information Officer ng Bataan Provincial Police Office.

Kaugnay nito, hindi kumbinsido ang mga rights groups sa naratibo ukol sa dalawang kabataang environmentalists na ikinonsiderang nawawala simula Setyembre 2 at ayon sa mga awtoridad, sumuko sa military unit sa Bulacan noong Setyembre 12. Ayon sa mga aktibista, sina Jonila Castro at Jhed Tamano “left the movement of their own free will.”

Sa isang joint statement, sinabi ng AKAP Ka Manila Bay, Kalikasan People’s Network for the Environment, Promotion for Church Peoples’ Response, at KARAPATAN, na hindi ginawa ang mga sworn statement na iniuugnay sa dalawa sa presensya ng kanilang piniling abogado, at maaaring napilitan lamang sila. Dagdag pa nila, “With their condition, they were not in a position to refuse to be represented by counsel provided them by their military custodian, and to assert to be represented by a counsel of their own choice or engaged by their families.”

Ang mga grupo ay legal na organisasyon subalit inaakusahan ng may kaugnayan sa armed communist movement, isang akusasyon na kanilang pinabulaanan. Ayon pa sa Bataan police, nagpasaklolo ang dalawa sa isang kakilala upang ayusin ang kanilang pagsuko sa 70th Infantry Battalion ng Army sa Bulacan. Subalit iginiit ng mga rights groups na wala sa dalawa ang may madaling pamamaraan upang makipag-ugnayan sa mga awtoridad.

Sa kanilang joint statement, sinabi rin nila na ang pahayag na sumuko sina Castro at Tamano at hindi dinukot “[remains] seriously in doubt.” Anila, walang kopya ng umano’y affidavits ang isinapubliko at tanging “brief video clips of Jonila and Jhed…at the press conference” lamang ang inilabas ng mga awtoridad. Dagdag pa nila: “That they were not personally presented during the press conference reveals a lot of things. The most obvious of which is that the [National Task Force to End Local Communist Armed Conflict] and the [Philippine National Police] are not prepared to present them for questioning by the media where they could be asked questions regarding the circumstances of their abduction.”

Inihayag ng mga awtoridad na nasa isang safe house ang dalawa at nakakausap nila ang kanilang mga magulang. “If they are facing charges, then they should be presented in court and remanded to a regular detention facility,” giit pa ng mga grupo.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.