Dalawang Nigerian, arestado sa P6.2 milyong halaga ng droga

0
150

IMUS CITY, Cavite. Naaresto ang dalawang Nigerian sa isinagawang buy-bust operation sa isang mall dito sa Imus City, Cavite, kamakailan lang.

Kinilala ang mga suspek na sina Enuka John Chukwuemeka at Christopher Nwabufo, parehong nasa hustong gulang, at mga residente ng Kasoy St., Golden Acres Village, Pamplona Tres, Las Piñas City.

Batay sa ulat mula sa Imus City Police Station, isinagawa ang operasyon bandang alas-4:05 ng hapon sa main entrance ng isang mall sa Brgy. Tanzang Luma 5.

Isang pulis ang nagpanggap na bumibili ng droga at nakipag-deal sa mga suspek upang makuha ang 40 gramo ng heroin na nagkakahalaga ng P240,000.

Matapos mag abutan ng droga, agad na dinakip ng mga pulis ang mga suspek na banyaga. Nakumpiska sa kanila ang higit sa 1.4 kilo ng heroin na nagkakahalaga ng mahigit P6.2 milyon at 15 gramo ng marijuana.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang dalawang Nigerian habang hinahanda na ang mga kaukulang kaso laban sa kanila kaugnay ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Inaalam din ng mga awtoridad kung may iba pang mga kaugnay na mga indibidwal o sindikato sa kanilang operasyon.

Author profile
roy tumandao
Roy Tomandao

Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang  photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.