Dalawang notoryus na gunrunner sa Calabarzon, nadakip sa buy-bust operation

0
173

CALAMBA CITY, Laguna. Nahuli ang dalawang pinaniniwalaang notorious na gunrunner sa Calabarzon sa matagumpay na buy-bust operation ng PNP Regional Intelligence Unit ng Police Regional Office Calabarzon.

Ang operasyon ay isinagawa sa mga lalawigan ng Quezon at Batangas.

Ayon sa ulat mula kay Police Brigadier General Carlito Gaces, Police Regional Office- Calabarzon police director, natimbong ang mga suspek na sina Jerry Ramirez, residente ng Brgy. Balete, Tanauan City, Batangas, at Dante Reana ng Brgy. Cassy, San Francisco, Quezon.

Ayon sa mga awtoridad, isang concerned citizen ang nagsumbong sa pulisya ukol sa posibleng bilihan ng baril at mga bala. Dahil dito, agad na nagbuo ang kapulisan ng isang special team para sa entrapment operation.

Sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Julieto Fabrero ng RTC Branch 63 ng Calauag, Quezon, nakuha mula kay Ramirez ang isang caliber .9mm pistol, isang caliber .45 pistol, at mga bala.

Samantala, si Raena ay nahuli habang nakikipag-transaksyon sa isang poseur buyer ng mga baril. Sa bahay nito, natagpuan ang tatlong shotgun at libu-libong mga bala na walang kaukulang dokumento.

Inaasahang kakasuhan ang dalawang suspek ng paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunitions Act.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.