Dalawang NPA patay sa engkwentro laban sa mga sundalo ng Quezon

0
1363

Cavinti, Laguna. Dalawang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang napatay kahapon, Abril 18, sa isang engkwentro laban sa mga sundalo ng Army sa bayan ng General Nakar sa lalawigan ng Quezon, ayon sa pulisya kanina.

Ayon sa ulat ng Quezon police, nakasagupa ng mga nagpapatrulyang sundalo sa pamumuno ni Staff Sergeant Isagani Bergonio ng 80th Infantry Battalion ng Army, bandang alas-3:50 ng hapon ng maka engkwentro nila ang hindi matiyak na bilang ng mga armadong gerilya ng komunista sa nayon ng Umiray sa kabundukan ng Sierra Madre.

Ang mga rebelde ay umatras ngunit naharang sa ibang bahagi ng nayon ng isa pang pangkat ng mga sundalo na pinamumunuan ni Army First Leuitenant Ronyl Duka.

Nagkaroon ng palitan ng putok pagkatapos ay umatras ang mga rebelde, naiwan ang bangkay ng dalawa nilang kasamahan na napatay. Hindi nagbigay ng detalye ang pulisya sa mga namatay na rebelde.

Narekober umano ng mga sundalo ang isang M14 rifle, isang M16 rifle, isang M203 grenade launcher at dalawang backpack.

Sa bukod na insidente noong Linggo, nag sagupaan din ang mga sundalo ng Army at isang grupo ng mga hinihinalang rebeldeng NPA sa kalapit bayan ng Real.

Tumagal ng 10 minuto ang labanan, pagkatapos ay umatras ang mga rebelde.

Walang naiulat na nasawi sa panig ng gobyerno, ngunit may mga hindi natukoy na namatay sa panig ng NPA, ayon sa ulat.

Ang ulat ay hindi nagbigay ng impormasyon kung ang tumakas na mga rebelde sa Real encounter ay ang pangkat din ng mga komunistang gerilya sa sagupaan sa General Nakar.

Ang mga naganap na sagupaan ay maaaring iugnay sa kooperasyon ng mga mamamayan na nagbibigay sa mga awtoridad ng napapanahong impormasyon sa presensya ng armadong grupo, dahil sila ay napagod na sa pangingikil at teroristang aktibidad ng NPA sa kanilang mga komunidad, ayon kay BGen Cerilo C. Balaoro Jr., PA, Commander ng 202nd Infantry Brigade na may operational jurisdiction sa lugar.

“We are much willing to accept and support those who have decided to leave the armed movement and pledge support to the government,” ayon sa mensahe ni Balaoro. 

Kaugnay nito, patuloy na nagsasagawa ng operasyon ang Army katuwang ang PNP, lokal na pamahalaan at lokal na mamamayan para hikayatin ang mga natitirang teroristang NPA sa lalawigan ng Quezon at maging sa mga karatig probinsya na sumuko, ayon pa rin sa ulat ni Balaoro.

Author profile
roy tumandao
Roy Tomandao

Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang  photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.