Dalawang piloto ng PN, patay sa bumagsak na helicopter sa Cavite

0
181

CAVITE CITY. Patay ang dalawang piloto ng Philippine Navy (PN) matapos bumagsak ang isang helicopter sa Cavite City kaninang umaga. Ayon kay Colonel Francel Padilla ng Armed Forces of the Philippines (AFP), hindi muna ipinapahayag ang mga pangalan ng mga biktima hangga’t hindi pa nakakapagbigay ng pahintulot ang kanilang pamilya.

Nangyari ang insidente bandang alas-6:45 ng umaga nang magkaroon ng emergency landing ang two-seater PN Robinson training helicopter malapit sa palengke ng nabanggit na lungsod. Sa lakas na pagbagsak, nasira ang helicopter at agad na dinala ang dalawang piloto sa Cavite City Medical Center. Subalit, idineklara silang dead on arrival.

Ayon sa pahayag ni Padilla, ang aircraft ay galing sa Sangley Airport para sa isang sesyon ng training flight. Ipinag-utos naman ng PN ang pansamantalang pagtigil sa pagpapalipad ng lahat ng uri ng aircraft habang isinasagawa ang imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng pagbagsak ng helicopter.

Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon upang malaman ang eksaktong dahilan ng trahedya. Samantala, nagpahayag na ng pakikiramay ang PN sa mga naulilang pamilya ng mga nasawing piloto.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.