Dalawang pulis, isang sibilyan arestado sa pangongotong ng P1.5M kada buwan

0
214

BACOOR CITY, Cavite. Nalambat ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group ang dalawang police officers at isang sibilyan na kasabwat sa pangingikil sa mga transport groups sa lungsod na ito.

Ayon kay Police Brigadier General Carlito Gaces, direktor ng Police Regional Office Calabarzon, ang dalawang pulis ay parehong nakatalaga sa Cavite Police Provincial Office.

Batay sa paunang report, ilang local transport leaders mula sa Bacoor City ang nagsumbong sa tanggapan ng CIDG sa Camp Vicente Lim dahil sa diumano ay matagal ng “monthly collection” na humigit kumulang na isa at kalahating milyong piso na kinukuha sa kanila ng mga nabanggit police officers.

Sa salaysay ng mga nagsumbong sa mga imbestigador, tumatanggap ang mga akusado ng kabuuang P1.5 milyong piso kada buwan na nagsisilbing payola mula sa mga drivers ng jeeps at tricycles para hindi na sila hulihin kahit may mga violations.

Lumalabas sa pagsisiyasat na P170,000 kada grupo ng mga drivers ang kinokolekta ng mga suspects kapalit ng exemptions sa huli.

Ang dalawang pulis at kasamang sibilyan ay nasa kustodiya na ng CIDG sa Camp Vicente Lim, Laguna at sasampahan ang mga ito ng kasong extortion.

Ang operasyong ito ay bahagi ng mga hakbang ng Philippine National Police upang labanan ang katiwalian sa hanay ng mga kapulisan at tiyakin ang seguridad ng mga mamamayan, lalo na ng mga transport groups na nagiging biktima ng pangongotong. Patuloy ang imbestigasyon upang mapanagot ang mga sangkot sa insidenteng ito.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.