Daraga Mayor Carlwyn Baldo, arestado na sa kasong double murder

0
98

MAYNILA. Naaresto na ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) si Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo dahil sa kanyang pagkakasangkot sa pagpatay kay Ako Bicol Party-list Representative Rodel Batocabe at sa bodyguard nito noong 2018.

Ayon kay CIDG Director PMaj. Gen. Leo Francisco, naaresto si Mayor Baldo ng CIDG-Albay Field Unit sa Nyuda Avenue, Camalig, Albay bandang alas-12:45 ng madaling araw. Ang pag-aresto ay isinagawa sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Acerey Pacheco ng Regional Trial Court-National Capital Region (RTC-NCR) Branch 3 noong Agosto 21, 2024, para sa kasong double murder na walang inirekomendang piyansa.

Ipinaliwanag ni Francisco na si Mayor Baldo ay inasistehan ng kanyang legal counsel at dinala sa CIDG Albay Field Office para sa dokumentasyon at disposisyon.

Bago ang pag-aresto, iniulat na sumuko si Baldo sa Camalig Municipal Police Station sa Brgy. 7-Poblacion, Camalig, Albay kahapon ng madaling araw. Si Mayor Baldo, 51-anyos at residente ng Brgy. Tagas, Daraga, ay itinuturong mastermind sa pananambang at pagpatay kay Rep. Batocabe at sa kanyang bodyguard na si Police Master Sgt. Orlando Diaz. Ang insidente ay naganap noong Disyembre 22, 2018, habang idinaraos ang isang gift-giving project para sa mga senior citizen sa Brgy. Burgos, Daraga, kung saan nasugatan din ang 10 iba pang katao.

Ayon sa ulat, matapos makausap ang kanyang pamilya at ang kapatid na si Mayor Carlos Baldo ng bayan ng Camalig, sumuko si Mayor Carlwyn bandang alas-12:55 ng madaling araw. Siya ay sinamahan ng kanyang kapatid at abogado sa Camalig Municipal Police Station, kung saan siya sinalubong ng mga tauhan ng CIDG-Albay na pinamumunuan ni Lt. Col. Joseph Maribay, kasama ang mga tauhan ng Camalig at Daraga Municipal Police, Provincial Intelligence Team, at Regional Intelligence Unit-5, na bitbit ang warrant of arrest.

Sa isang post sa Facebook, ipinahayag ni Mayor Baldo na hindi na bago sa kanya ang pinagdadaanan ngayon at muli niyang irerespeto ang desisyon ng korte. Umaasa siyang malalampasan niya ang pagsubok na ito, tulad ng dati. Pinasalamatan din niya ang mga taga-Daraga na naglagay muli sa kanya sa puwesto at sinabing nagawa niya ang lahat ng ipinangako niya sa loob ng dalawang taon matapos mahalal.

Noong Enero 2019, unang inaresto si Mayor Carlwyn dahil sa kaso ng illegal possession of firearms at explosives, ngunit nakalaya rin siya matapos makapagpiyansa at muling nanalo nang tumakbo noong Mayo 9, 2022.

Photo: CIDG Bicol Region

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.