Dating SC Justice Andres Reyes itinalaga bilang ICI chair

0
336

MAYNILA. Itinalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si dating Supreme Court Associate Justice Andres Reyes Jr. bilang chairperson ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), ang ahensiyang magsisiyasat sa mga umano’y iregularidad sa mga flood control projects ng pamahalaan.

Noong Sabado, inanunsyo ng Malacañang ang pagkakatalaga kina dating Public Works Secretary Rogelio “Babes” Singson at Rossana Fajardo, country managing partner ng auditing firm na SGV and Co., bilang mga miyembro ng komisyon. Samantala, si Baguio City Mayor Benjamin Magalong naman ang naitalagang special adviser.

Batay sa Executive Order No. 94, inatasan ang ICI na magsagawa ng imbestigasyon at pagsusuri sa ebidensya, intelligence reports, at impormasyon laban sa lahat ng opisyal at kawani ng pamahalaan, gayundin sa iba pang indibidwal, na sangkot umano sa mga anomalya, iregularidad, at maling paggamit ng pondo sa pagpaplano, pagpopondo, at pagpapatupad ng mga flood control at iba pang proyektong pang-imprastruktura sa bansa.

Prayoridad ng ICI ang pagsisiyasat sa mga flood control at iba pang proyekto sa nakalipas na sampung taon mula sa bisa ng naturang kautusan.

Ayon sa mandato, magsusumite ang komisyon ng mga rekomendasyon para sa pagsasampa ng civil at administrative cases laban sa mga mapatutunayang responsable sa angkop na tanggapan tulad ng Office of the President, Office of the Ombudsman, Department of Justice, at Civil Service Commission.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo