DBM: Dobladong seniors pension na-release na

0
701

Ibinalita ni Budget Secretary Amenah F. Pangandaman na sa simula pa lamang ng taon, naipalabas na ng Department of Budget and Management ang kabuuang P49.807 bilyon na badyet para sa pensyon ng mga indigent senior citizens.

Ayon kay Pangandaman, ito ay halos doble ng badyet noong mga nakaraang taon na umaabot lamang sa P25 bilyon na alokasyon taun-taon. Sa ilalim ng administrasyong Marcos, inaasahan na magiging doble na ang buwanang pensyon para sa mga mahihirap na senior citizens mula sa P500 patungong P1,000.

Binigyang-diin ni Pangandaman na tinatayang mahigit na apat na milyon ang bilang ng mga indigent senior citizens na makikinabang dito. Dagdag pa niya, ang agarang pag-release ng pondo ay tugon sa mahigpit na bilin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na patuloy na magbigay ng pagkalinga sa mga senior citizen.

Ang pagbibigay ng social pension sa mga indigent seniors ay nagtitiyak na kahit paano ay maibsan ang kanilang gutom at matiyak na hindi sila nababalewala o naabuso. Ito ay tugon sa adhikaing ‘Bagong Pilipinas’ ni Pangulong Marcos Jr., na naglalayong tiyakin na walang maliliit na mamamayang Pilipino ang maiiwanan at mapapabayaan, ayon sa paliwanag ni Pangandaman.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo