MAYNILA — Iginiit ng Malacañang na mga miyembro ng Diehard Duterte Supporters (DDS) ang umano’y nasa likod ng mga hakbang para isulong ang impeachment laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., habang nilinaw na handa ang Pangulo na igalang at sundin ang anumang proseso ng impeachment, kabilang na ang mga isyung kinahaharap ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, batay sa mga ulat, may isang mambabatas na umano’y nilapitan ng mga tagasuporta ng isang pulitiko upang maisulong ang impeachment laban sa Pangulo. Pinayuhan ni Castro ang mga sumusuporta kay VP Sara na sa halip na tutukan ang impeachment laban kay Marcos, ay pagtuunan muna ng pansin ang mga alegasyong kinahaharap ng Bise Presidente.
Binigyang-diin ni Castro na ang impeachment ay hindi dapat gawing panakot o pang-media lamang, lalo’t may mabibigat na isyung kailangang sagutin ni VP Sara, kabilang ang umano’y paglustay ng milyun-milyong confidential funds at alegasyon ng pagtanggap ng pondo mula sa mga drug lord. Dagdag pa niya, wala umanong katulad ng isyung “Mary Grace Piattos” ang Pangulo at hindi ito nagnakaw ng pera ng bayan. Sa halip, si Marcos pa nga umano ang nagtutulak ng imbestigasyon sa mga maanomalyang flood control projects.
Samantala, sinabi ni House Senior Deputy Minority Leader at Caloocan City 2nd District Rep. Edgar Erice na may dalawang kongresista umanong inaasahang mag-eendorso ng impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos, na ayon sa kanya ay isang “pro-VP Sara group.”
“They are asking me to be one of the endorsers, but I declined… because I want to have an open mind in the Committee on Justice and… I don’t want to be identified with the Duterte Group because I am a true blue Liberal Party,” pahayag ni Erice.
Ayon kay Erice, kabilang sa posibleng grounds ng impeachment laban kay Marcos ang “betrayal of public trust,” kaugnay ng mga isyu sa 2023, 2024 at 2025 national budget. Nilinaw naman ni Castro na bagama’t handang sagutin ng Pangulo ang mga ibinabatong alegasyon, wala pa itong pinaghahandaan na impeachment complaint dahil wala pa umanong pormal na reklamo.
Kaugnay naman ng mga tanong kung nagbago na ang posisyon ni Pangulong Marcos sa planong impeachment laban kay VP Sara, sinabi ni Castro na maaaring noong una ay hindi pa lubos na batid ng Pangulo ang lawak ng mga alegasyon ng korapsyon laban sa Bise Presidente. Sa kasalukuyan, ayon sa kanya, malinaw ang naging pahayag ni Marcos na ang pagtrato sa imbestigasyon sa flood control projects ay siya ring magiging pagtrato sa imbestigasyon kaugnay ng impeachment kay VP Sara.
Nangangahulugan aniya ito na kung sino ang may pananagutan ay dapat managot, at igagalang ng Pangulo ang proseso ng impeachment kung mapatutunayang may sapat na ebidensya upang ito ay maisampa.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





