MAYNILA — Tinapos na ng Department of Justice (DOJ) ang preliminary investigation kaugnay ng mga reklamong kidnapping with serious illegal detention at multiple murder na isinampa ng pamilya ng 34 nawawalang sabungero laban kina negosyanteng Charlie “Atong” Ang, aktres na si Gretchen Barretto, at mahigit 60 iba pang respondents.
Ayon kay Senior Assistant State Prosecutor Charlie Guhit, hindi na maghahain ng reply ang mga pamilya ng complainants sa mga counter-affidavit na iniharap ng mga respondent.
“The panel declared that the preliminary investigation is already submitted for resolution,” pahayag ni Guhit, matapos ianunsyo ng mga complainant na hindi na sila magsusumite ng karagdagang tugon.
Sinabi rin ni Guhit na 57 sa mga respondent ang nakapagsumite ng kanilang counter-affidavit, kabilang sina Ang, Barretto, at dating NCRPO chief, retired Police General Jonnel Estomo.
Dagdag niya, inaasahan na lalabas sa lalong madaling panahon ang resolusyon ng DOJ panel, bagaman wala pang itinakdang petsa para rito.
Umaasa naman ang mga pamilya ng mga nawawalang sabungero na maihahain na sa korte ang kaso at papabor sa kanila ang magiging desisyon ng DOJ.
“Malaki po ang pag-asa namin na makakamit namin ang hustisya. Sana po pumabor sa amin at magkaroon na ng warrant,” ayon sa kapatid ng isa sa mga biktima.
Ipinaliwanag ni Guhit na dalawang opsyon lamang ang maaaring gawin ng panel — ang i-dismiss ang reklamo o magsampa ng kaso sa korte. Sakaling maibasura ang reklamo, maaari itong i-refile sa DOJ kung may maidadagdag na bagong ebidensya o testimonya.
Nasa complainants din ang desisyon kung ibabalik nila ang kaso sa PNP-CIDG para sa panibagong imbestigasyon.
Samantala, iginiit ng kampo ni Ang na nais pa rin nilang maibalik ang reklamo sa PNP-CIDG, dahil diumano ay kulang at hindi kapanipaniwala ang mga ebidensyang iniharap laban sa kanila.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






