Delivery rider timbog sa P1.9-M ecstasy sa Cavite

0
156

BACOOR CITY, Cavite. Arestado ng pulisya ang isang delivery rider na may dalang mahigit sa P1.9 milyong halaga ng party drugs na ecstasy sa isang buy-bust operation sa open parking lot ng isang mall sa Brgy. Molino 4, lungsod na ito kamakalawa ng gabi.

Ayon kay Mary Ann Mahilom-Lorenzo, Public Information Officer ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Calabarzon, ang suspek ay kinilalang si Jerome Jamila, 34-anyos, na kilala rin sa pangalang “Randy.” Si Jamila ay isang delivery driver at residente ng FB Harrison St, Pasay City.

Ayon sa ulat ng pulisya, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa isang shipment na ibabagsak sa Cavite sa pamamagitan ng isang delivery courier. Dahil dito, isinagawa ang drug operation ng pinagsanib na puwersa ng PDEA-4A, Regional Special Enforcement Team 1 na nagsilbing lead unit, PNP-Regional Drug Enforcement Unit (RDEU)-4A, at Bacoor City Police bandang 7:45 ng gabi sa open parking lot ng kilalang mall sa Brgy. Molino 4, Bacoor City kung saan inaasahang idedeliver ng rider ang nasabing shipment.

Agad naaresto si Jamila nang maisagawa ang transaksyon. Nakumpiska sa kanyang pag-iingat ang isang brown paper bag na naglalaman ng isang box ng Nike, at sa loob nito ay may mahigit 1,151 piraso ng blue tablets na ecstasy na tinatayang nagkakahalaga ng P1,956,700.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.