DepEd: Bibigyan ng mas mataas na poll honoraria, allowances ang mga guro

0
397

Bibigyan ng mas mataas na honoraria at karagdagang allowance ang mga guro na magsisilbing poll worker sa Mayo 9 sa pambansa at lokal na botohan, ayon sa Department of Education (DepEd) kahapon.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni DepEd Secretary Leonor Briones na mahigpit silang nakipag-ugnayan sa Commission on Elections (Comelec) at Department of Budget and Management (DBM) para matiyak ang pagtaas ng allowance para sa mga guro.

“More than a year na kaming nag-negotiate para rito dahil talagang deserving naman ang ating teachers ng suporta, hindi naman in exchange, dahil sila ay nagsisilbi sa bayan,” ayon sa kanya.

Sinabi ni Education Undersecretary Annalyn Sevilla na ang board chairman ay tatanggap na ngayon ng PHP7,000 o mas mataas ng PHP1,000 kumpara sa 2019 mid-term elections, habang ang board members ay makakakuha ng PHP6,000, supervising official ay PHP5,000, at support staff ay PHP3, 000.

Maliban sa itinaas na honoraria, bibigyan din ang mga guro ng iba’t ibang allowance kabilang ang PHP2,000 transportation allowance; PHP1,500 na stipend sa komunikasyon; PHP500 anti-Covid-19 allowance; at mga medical at accident insurance.

Sa ngayon, nasa 320,000 guro na ang kasali bilang miyembro ng election board para sa darating na halalan.

Sinabi ni DepEd Undersecretary Alain Pascua na hindi na-amyendahan ng mga mambabatas ang mga probisyon sa kabila ng kanilang panawagan na gawing tax-free ang pinataas na allowances, kahit na sa suportado ito ng Comelec.

“Kahit nga ang BIR ay uma-agree rin sa ating layunin, subalit may batas na kinakailangang i-amend bago ang exemption at ‘yan pong amendment sa batas ay hindi po nagawa ng kongreso. Kaya hanggang ngayon po ang ating honoraria at saka ang allowances, ay hindi sila tax-exempted,” ayon sa kanya.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo