MAYNILA. Humingi ng tulong ang Department of Education (DepEd) sa National Bureau of Investigation (NBI) upang imbestigahan ang umano’y anomalya sa Senior High School (SHS) voucher program na kinasasangkutan ng mga “ghost students” o hindi dokumentadong benepisyaryo.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, nakahanda ang DepEd na makipagtulungan nang buong-buo sa imbestigasyon upang matiyak ang integridad ng programa at maiwasan ang pandaraya.
“Pinaiigting natin ang mga hakbang upang mapanatili ang kredibilidad ng ating sistema. Kasama rito ang masusing beripikasyon sa Voucher Management System (VMS) at Learner Information System (LIS),” ani Angara.
Bilang bahagi ng mahigpit na pagsala sa mga benepisyaryo, ipatutupad ng DepEd ang pagkakaroon ng audit feature sa LIS upang masubaybayan ang anumang pagbabago sa datos. Ang mga billing statement na may hindi tugmang impormasyon ay hindi mababayaran hangga’t hindi ito nalilinaw.
Dagdag pa ni Angara, bukas ang DepEd sa pakikipagtulungan sa mga mambabatas at iba pang ahensya ng gobyerno upang matiyak na mapoprotektahan ang pondo ng bayan. Inatasan din niya ang Executive Committee na magsagawa ng mga legal at administratibong hakbang upang maiwasan ang pag-ulit ng ganitong insidente.
Patuloy na hinihikayat ng DepEd ang publiko na iulat ang anumang kahina-hinalang transaksyon upang mapanatili ang kredibilidad ng SHS voucher program at matiyak na ang tamang mga mag-aaral lamang ang makikinabang dito.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo